Hahanapin ng Muaythai Association of the Philippines (MAP) ang bubuuo sa national training pool sa gaganaping Muaythai National Championships sa Disyembre 15-18 sa PhilSports Arena sa Pasig City.

Ito ang sinabi nina Muay national coach Roland Claro at assistant coach Precious Ocaya habang kasamang dumalo sina 2016 Sweden World Championship gold medalist Rudzma Abubakar at silver medalist Ghenyan Berdon sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) forum kahapon sa Shakey’s Manila.

“First time po ito mangyayari sa Muay na magkakaharap-harap at magsasama-sama ang pinakamaraming grupo, clubs at atleta sa buong bansa. Ito po ang biggest attendance,” sabi ni Claro, kung saan kabuuang 35 miyembrong clubs, 20 non-affiliated at mahigit sa 350 atleta ang nagkumpirma ng paglahok.

Paglalabanan sal Open, magsisilbing qualifying tournament para sa mga muaythai fighters na nagnanais na maging miyembro ng national team, ang 40 ginto sa 18 seniors category at 20 sa kids at juniors.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sinabi naman ni Ocaya na hangad nilang makahanap ng 32 bagong miyembro upang idagdag sa kasalukuyan nitong 12 atleta sa pambansang koponan na binubuo ng tatlong babae at siyam na lalaki.

“Iyung mga makikita namin na may potensiyal na atleta at iba pang madidiskubre ay posibleng maisama namin sa binubuo ngayon na bagong batang pambansang koponan,” sabi ni Ocaya.

Ang torneo ay magsisilbi din na selection process para sa paghahanda ng MAP sa paglahok nito sa 2017 Southeast Asian Games na gaganapin sa Kuala Lumpur, Malaysia sa Agosto at sa 2018 Asian Games sa Indonesia. Ang mga mapipiling kabataan ay isasabak naman sa World Youth Championships na gagnapin sa Bangkok, Thailand.

Ilan sa international tournament na sasalihan ng MAP ay ang World Championships sa Belarus, Southeast Asian Games, World Junior Championships sa Thailand, pati na rin ang Asian Indoor at Martial Arts Games sa Turkmenistan.

(Angie Oredo)