TILA nalasing sa tagumpay ang Ginebra Kings dahil sa mababang kalidad ng kanilang kampanya sa kasalukuyang OPPO-PBA Philippine Cup.

Ang kawalan ng teamwork at maayos na pasahan sa opensa ang nakikitang dahilan ni coach Tim Cone sa malamyang performance ng Kings, kabilang ang 99-84 pagkakasadsad sa kamay ng Globalport Batang Pier.

Habang inaakala ng marami na maganda na ang tinatakbo ng team makaraang muling magkampeon pagkalipas ng walong taon, bumabalik ang Kings sa pagkakawatak-watak.

Ayon kay Kings high leaping forward Japeth Aguilar, sinabi umano ni Cone na para na naman silang isang bagong team na hindi kabisado ang galaw ng isa’t- isa.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Porke’t panalo kami last game, we think that, we can beat GlobalPort individually kasi parang umpisa pa lang, parang gusto namin makapag-engage in a one-on-one battle,” pahayag ni Aguilar.

Bagsak ang Kings sa 1-2 karta.

“Yung movement ng bola namin nawala, first pass tira na agad. We are not sharing the ball,” aniya. “Yun parang nakaka-frustrate.”

At upang maitama ang lahat, naniniwala si Aguilar na kailangang nilang kumilos at gawin ang play na kanilang iniensayo sa tuwina.

“Kailangan lang naming sumunod sa sinasabi ni coach, magtiwala sa isa’t-isa na kaya namin.Sana matuto kami,” aniya.

(Marivic Awitan)