Kasabay ng inaasahang pagdagsa ng milyun-milyong mamimili sa mga mall, entertainment venue at bar ngayong holiday, pinaalalahanan ang mga abusadong taxi driver na ang “Oplan: Isnabero’’ ay ipatutupad simula bukas, Disyembre 14, upang protektahan ang mga commuter sa iba’t ibang uri ng paglabag.
Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ang Oplan Isnabero ay isang malawakang kampanya ng LTFRB, sa pakikipagtulungan sa mga mall, laban sa mga taxi driver na umaabuso sa mga pasahero.
Ilan sa mga karaniwang paglabag ay ang hindi pagsusukli, hindi pagsusuot ng ID, pagsuway sa alituntunin sa tamang pagmamaneho, pagtanggi sa may kapansanan, buntis at matatanda, at hindi paggamit ng metro.
Nakatakdang ipakalat ang 13 LTFRB enforcer para sa nasabing programa, ayon kay LTFRB Board Member Aileen Lizada.
Sa Metro Manila, ang mga mall na makikiisa sa programa ay ang SM Supermalls, Landmark department stores, Araneta Center, Robinsons Malls, Starmall, at Ayala Malls.
Kung may reklamo, maaaring tumawag sa LTFRB sa 24/7 hotline nitong 1342, o mag-text sa 0917-5501342 at 0998-5501342.
(Chito A. Chavez)