Tiniyak ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na hindi magkakaroon ng whitewash sa paunang imbestigasyon ng Department of Justice (DoJ) laban sa 24 na pulis na isinasangkot sa pagpatay kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, Sr.

“’Yung iba natatakot, this could be a whitewash of the case, hindi po,” ani Aguirre.

Ito ang nilinaw ng kalihim makaraang ideklara ni Pangulong Duterte na naniniwala siya sa bersiyon ng mga pulis sa pagkamatay ng alkalde, kaya naman hindi siya papayag na makulong ang mga ito.

Sa kabila nito, tiniyak ni Aguirre na hindi makikialam ang Pangulo sa kaso.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Siniguro rin ng kalihim na hindi maiimpluwensiyahan ng nasabing pahayag ng Pangulo ang DoJ panel na nagsasagawa ng preliminary investigation sa kaso.

Paliwanag pa ni Aguirre, ang mga pahayag ng Presidente ay pawang “exagerations” at “hyperbole” lamang at bahagi ng “right to freedom of expression” nito.

Matatandaang inirekomenda ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagsasampa ng mga kasong multiple murder sa mga opisyal at tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Region 8, gayundin sa ilang operatiba ng Philippine National Police (PNP)-Regional Maritime Unit 8, dahil sa pinagplanuhan umanong pagpatay kay Espinosa sa loob ng piitan sa Baybay City, Leyte noong Nobyembre 5. (Jeffrey G. Damicog)