Muling nagkainitan sina Senators Antonio Trillanes IV at Richard Gordon kaugnay ng inilabas na report ng Senate committee on justice and human rights na nagsasabing walang kinalaman si Pangulong Duterte sa talamak na extrajudicial killings sa bansa.

Tinawag ni Trillanes si Gordon na “lackey” at sinabing hindi niya sasayangin ang kanyang oras sa minadaling findings ng komite na inilarawan niya bilang “piece of garbage.”

Partikular na binatikos ni Trillanes si Gordon sa pagbalewala sa testimonya ni Edgar Matobato tungkol sa Davao Death Squad (DDS).

“That’s the part where in Sen. Gordon shows he is indeed a lackey of President Duterte. The whole country saw the testimony of Edgar Matobato (and how) he was able to show evidence of his links to the (Davao) mayor’s office,” sinabi ni Trillanes sa isang panayam sa telebisyon.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Matatandaang inamin ni Matobato sa Senado na miyembro siya ng DDS, na itinatag umano ng Pangulo noong alkalde pa ng Davao City, at nagsagawa umano ng mahigit 1,000 pagpatay.

“They (mga senador) signed that piece of garbage but it has no value to me whatsoever,” ani Trillanes.

Katwiran naman ni Gordon, dapat na nagprisinta sina Trillanes at Sen. Leila de Lima ng sapat na ebidensiya upang patunayang mapagkakatiwalaang testigo si Matobato.

“Well they were not able to present evidence to prove that. And if they have a long running feud with the President they should not take it out on the committee. Why treat the committee report as garbage (and saying) lackey kami, lackey ako (that we are lackeys, I’m a lackey). Why is it so personal?” reaksiyon ni Gordon.

Naniniwala naman si Sen. Panfilo Lacson na napalalim pa sana ang committee report kung naisalang ng komite ang ilan pang testigo sa kanilang mga pagdinig.

“Hindi naman ‘yan (committee report) conclusive na hindi state-sponsored, kundi so far walang ebidensyang maipakita na state-sponsored ang nangyayaring pagpatay. Kasi wala namang naipakita sa dumalo sa pagdinig,” ani Lacson. - Hannah L. Torregoza

at Leonel M. Abasola