Nakumpiska ng mga pulis ang isa pang improvised explosive device (IED) na ibiniyahe sa Maynila mula Mindanao kasabay ng bomba na narekober malapit sa United States (US) Embassy nitong nakaraang buwan.
Ayon kay Director General Ronald dela Rosa, hepe ng Philippine National Police (PNP), ang IED ay nadiskubre sa Zambales ng awtoridad kung saan nadakip ang ikaapat sa limang suspek sa pagtatanim ng bomba sa Maynila.
“We cannot yet divulge information on this because there are still on-going operations. We are still running after their companions,” pahayag ni Dela Rosa nang tanungin kung bakit hindi pinangalanan ang ikaapat na suspek.
Sinabi ni Dela Rosa na habang may limang suspek sa pagtatanim ng bomba sa Maynila, ang five-man group ay nananatiling konektado sa iba pang terror cell na pinagtutuunan ngayon sa follow-up intelligence-gathering and operation.
Katunayan, ang IED na nadiskubre sa Zambales ay itinago hanggang sa magbigay ng huling kautusan ang amo ng mga suspek.
Naaresto ang ikaapat na suspek matapos ang pagkakadakip kay Mohammad Jumao-as na iniharap sa media matapos siyang maaresto sa Bulacan noong Sabado.
Ang mga nadiskubreng bomba, ayon kay Dela Rosa, ay posibleng hindi sumabog sa military bomb sorties sa Mindanao laban sa grupong terorista sa mga nagdaang operasyon.
“It can kill around 300 people once detonated in a packed area. Its casualty area is 70 to 80 meter radius,” pahayag ni Dela Rosa. (Aaron Recuenco)