Matinding tensiyon ang idinulot ng isang pekeng improvised explosive device (IED) na nadiskubre ng mga basurero sa harap ng Universidad de Manila (UdM), at kanilang dinala sa Manila City Hall sa Ermita, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ni Police Supt. Romeo Desiderio, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 5, dakong 1:00 ng madaling araw nang madiskubre ang pekeng IED sa harapan ng naturang unibersidad na matatagpuan malapit sa city hall sa Arroceros Street sa Ermita, Maynila.
Ayon kina Junmar Razon, 34, at Romeo Estrabela, 61, kapwa kolektor ng basura sa lugar, nangongolekta sila ng basura malapit sa UdM nang mapansin ang “dynamite type” na tila pampasabog.
Inakala umano nilang laruan ito kaya inilagay nila sa truck ng basura ngunit pagdating nila sa entrance gate ng Manila City Hall, dakong 6:09 ng umaga, ay ikinabahala ito ng security officer na si CSF Ricardo Gaddi at agad itinawag sa mga awtoridad.
Nang siyasatin ito ng mga tauhan ng MPD-Explosive and Ordinance Division (EOD) ay nagsagawa sila ng post blast investigation at natuklasang peke ang bomba.
Ayon kay Desiderio, pinag-aaralan na ang mga kuha ng closed-circuit television (CCTV) sa lugar upang matukoy ang pagkakakilanlan ng nag-iwan nito.
ANO ANG DAPAT GAWIN?
Pinaalalahanan ni Director Oscar Albayalde, head ng National Capital Region Police Office (NCRPO), na huwag na huwag hahawakan ang isang kahina-hinalang bagay na kanilang makikita at sa halip ay humingi ng tulong sa mga awtoridad.
“That’s what is scary actually there because as a result of that, people in the City Hall panicked when the street sweepers brought the suspicious package there,” sambit ni Albayalde.
“That should have not been the case because supposedly, they must not touch it and call the police and let them clear the item. What the street sweepers did is wrong,” dagdag niya.
“So we would like to remind the public again that if they ever see suspicious items or any bag or box, don’t touch it. Leave it there and then just inform the personnel in the nearest police station,” paalala ni Albayalde.