WALANG duda, nabihag o nasilo ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang imahinasyon at simpatya ng mga Pilipino noong nakaraang halalan. Sino ang hindi bibilib at sasang-ayon sa kanya nang ihayag sa bawat lugar noong panahon ng kampanya na susugpuin niya ang illegal drugs sa Pilipinas sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan at kung hindi, siya ay magbibitiw sa puwesto at ibibigay ang posisyon sa Bise Presidente.

Bukod dito, ginamit ni Mano Digong sa kampanya ang lengguwahe ng ordinaryong tao, gaya ng itutumba ang mga drug lord, pusher at user, ipakakain sa isda ang mga bangkay ng mga tiwaling taong-gobyerno at pulitiko, lilinisin sa kurapsiyon ang mga tanggapan ng pamahalaan, walang mahabang pila sa pag-apply o pagkuha ng mga papeles sa mga opisina at kailangang matapos ito sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw.

Hindi lang mga ordinaryong tao ang napabilib ni Pres. Rody sa kanyang mga pananalita at pahayag, kundi maging ang mga edukado at kabilang sa middle class, pati mga journalist bunsod ng kanyang pangako na itutumba ang mga tulak, adik at drug lord. Pero, maliban kay Mayor Rolando Espinosa, meron na bang ibang drug lords na naitumba o mga ordinaryong drug pusher at user lang na nakatsinelas, nanlaban daw gamit ang .38 cal. revolver.

Tinalo at nilampaso ni Mano Digong ang mga pulitikong may pambansang pangalan, tulad nina Sen. Grace Poe, ex-Vice Pres. Jojo Binay, ex-DILG Sec. Mar Roxas, ex-Sen. Miriam Defensor-Santiago. Ibinigay sa dating alkalde ng Davao City ang 16.6 milyong boto, isa sa pinakamalaking kalamangan sa kasaysayan ng eleksiyon sa bansa.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Mataas ang trust at approval ratings ni Du30 batay sa mga survey ng Social Weather Station at Pulse Asia. Nagdududa ang taumbayan sa resulta ng SWS at Pulse Asia survey tungkol sa mataas na ratings ng pangulo sa kabila ng pakikipagkagalit niya kina US Pres. Obama at UN Sec. Ban Ki-moon, at sa European Union. Bukod dito, akusado si RRD sa paglabag sa human rights at extrajudicial killings. Batay sa mga report, halos 5,000 na ang napatay na user at pusher sapul nang nahalal si Mano Digong.

May hinala ang mga netizen na maging ang SWS at Pulse Asia ay takot din kay Du30 kung kaya paborable ang survey results na inilabas ng mga ito tungkol sa trust at approval ratings. Takot kaya sila sa tunay na resulta ng surveys at baka sila suriin, tanungin, at alamin kung sino ang kanilang financier at nagbabayad sa kanilang surveys?

Ngayon, medyo nagsasawa na umano ang publiko sa padaskul-daskol at pabagu-bagong pahayag at desisyon ng pangulo na binabawi at ipinaliliwanag ng kanyang cabinet members, gaya nina Andanar, Yasay, Panelo, Abella at iba pa.

Siyanga pala, wala nang makikitang maputi at makinis na tuhod... si Pres. Rody matapos maghain ng pagbibitiw bilang Housing czar o hepe ng HUDCC (Housing and Urban Development Coordinating Council) si VP Leni Robredo. May utos daw si RRD na huwag na siyang padaluhin sa cabinet meeting. Maging si CHED head Patricia Licuanan ay ayaw na ring padaluhin ni Mano Digong sa meeting. Maaaring ang mga dahilan sa pag-ayaw ni RRD kay VP Leni ay ang pagkontra niya sa Marcos burial, EJK, pagmamaliit sa kababaihan. Nais din daw na “nakawin” ang kanyang puwesto upang ang mailuklok ay si Sen. Bongbong Marcos. (Bert de Guzman)