Dapat munang lumagda ng mga komunistang rebelde sa bilateral ceasefire agreement, bago palalayain ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga nakakulong nilang kasamahan sa pakikibaka.

Ito ang utos ng Pangulo kina government (GRP) chief peace negotiator Silvestre ‘Bebot’ Bello III at panel member Angela Librado-Trinidad.

“Produce to me a signed bilateral ceasefire agreement and I will release them within 48 hours. You can take my word for it,” sinabi ng Pangulo, ayon kay Bello, sa isang press release mula sa Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP).

Gayunman nangako ang Pangulo na tatrabahuin ang pagpapalaya sa ilang matatanda at may sakit na rebelde bago mag-Pasko.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Sa naunang panayam kasama si Anakpawis representative Ariel Casilao, sinabi niya na 165 detainees, binubuo ng 25 matatanda at 140 may sakit, ang palalayain bago ang Araw ng Pasko.

Hiniling nina Bello at Librado ang kautusan mula sa pangulo matapos siyang makipagpulong kina National Democratic Front of Philippines (NDFP) consultants Benito at William Tiamzon sa Davao City noong Biyernes ng gabi, kung saan muling tiniyak ni Duterte ang pangako nitong palalayain ang mga nakakulong na komunistang rebelde.

Ayon sa NDF mayroong 434 rebelde ang nakapiit sa iba’t ibang bilangguan sa buong bansa.

Magpapatuloy ang third round ng GRP at NDFP formal peace negotiations sa ikatlong linggo ng Enero.

(ANTONIO L. COLINA IV)