Nasa ikalimang puwesto sa pinakamagaliing na chess player sa buong mundo ang dating national team member na si Wesley So.
Base sa inilabas ng FIDE rating nito lamang Disyembre 2016, ang Pinoy Gandmaster ay nakalistang No.5, may anim na puntos lamang ang kakulangan sa 2800 rating.
Apat na manlalaro pa lamang sa buong mundo ang nakakaabot sa 2800 rating na kinabibilangan nina (1) Magnus Carlsen (2840) ng Norway, (2) Fabio Carauna (2823) ng USA, (3) Vladimir Kramnik (2809) ng Russia at (4) Maxime Vachier-Lagrave (2804) ng France.
Malaki ang kontribusyon ni So, nakamit ang GM title bilang miyembro ng Philippine Team, sa kampeonato ng United States sa nakalipas na 42nd World Chess Olympiad sa Baku, Azerbaijan kung saan nakamit niya ang silver medal sa Board 3. Nakamit naman ni GM Eugene Torre ang bronze medal.
Pinakahuling nagkampanya para sa Pilipinas si So sa 2013 Universiade sa Kazan, Russia kung saan nakamit niya ang gintong medalya, subalit hindi ito kinilala ng Philippine Olympic Committee (POC) at ng dating pamunuan ng Philippine Sports Commission (PSC) dahilan para magdesisyon si Do na mag-migrate sa US at sumama sa koponan ng Amerika.
Si So ang pinakabatang player na nakalampas sa 2600 ElO rating noong Oktubre 2008 upang burahin ang dating rekord ni Magnus Carlsen. Naabot din ni So noong 2013 ang 2700 rating at noongPebrero 2015 ay nakatuntong na ito sa World top 10 matapos tumabla sa ikalawang puwesto sa 2015 Tata Steel Chess Tournament.
Nagwagi din si So sa Group C ng 2009 edisyon ng Corus Chess Tournament at tatlong beses naging Philippines Chess Champion. (Angie Oredo)