Boluntaryong sumuko kahapon ng umaga sa pulisya ang itinuturong Drug Queen of the South na si Lovely Adam Impal.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Director Gen. Ronald Dela Rosa, sumuko si Impal makaraang ituro siya ng sinasabing Eastern Visayas drug lord na si Kerwin Espinosa bilang supplier umano nito ng droga sa isa sa mga pagdinig sa Senado kamakailan.
“She was implicated by Kerwin and her name came out on national TV for that a lot of people will have interest on her and hunt her down, and they know that. That’s why she surrendered,” sinabi ni Dela Rosa kahapon sa press briefing.
Matatandaang sinabi ni Espinosa na si Impal ang isa sa mga nagsu-supply ng droga sa mga drug lord, noong nasa Bagong Buhay Rehabilitation Center pa si Kerwin sa Barangay Lahug, Cebu City.
May kinakaharap na ring kaso si Impal sa isang korte sa Cebu dahil sa pagkakasangkot sa droga.
Sinabi ni Dela Rosa na sumuko si Impal sa Police Region Office-Autonomous Region of Muslim Mindanao (PRO-ARMM), na pinamumunuan ni Chief Supt. Agripino Javier, kahapon ng umaga.
Mula sa PRO-ARMM, inilipat si Impal sa Anti-Illegal Drugs Group (AIDG) para imbestigahan.
Walang ibinigay na detalye si Dela Rosa kung gaano kalawak ang operasyon ni Impal.
Inaalam din kung may nakabimbing warrant of arrest laban kay Impal.