Nasungkit ng boksingero ni eight-division world titlist Manny Pacquiao na si Jayar Inson ang bakanteng WBO Asia Pacific welterweight title matapos patulugin si Japanese fighter Ryota Yada sa 7th round nitong Linggo ng gabi sa EDION Arena sa Osaka, Japan.

Umangat ng dalawang dibisyon si Inson sa kanyang unang pagsagupa sa labas ng bansa at pinabagsak si Yada sa 2nd at 7th round bago itinigil ng referee ang laban eksaktong 2:26 sa naturang yugto ng sagupaan para maisuot ang kanyang ikalawang WBO regional belt.

May rekord na 13 panalo, kabilang ang siyam sa pamamagitan ng knockout, unang nasungkit ni Inson ang bakanteng WBO Oriental lightweight title nang mapatigil sa 2nd round si Indonesian Victor Mausul noong Agosto 14, 2015 sa Davao City, Davao del Sur.

Inaasahang papasok sa WBO welterweight ranking ang southpaw fighter mula sa MP Boxing Gym stable ni Pacquaio sa Davao City na si Inson pero sinabi ng kanyang trainer na si Nonoy Neri na bagama’t matangkad ito sa taas na 5’10 ay mas komportable ang 26-anyos na boksingero sa 140 pound o super lightweight division.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Muling lalaban sa Japan si Inson sa Abril 2017 dahil may opsiyon ang nakabase sa Tokyo na Misako Promotions sa kanyang susunod na laban. (Gilbert Espeña)