ANG National Day ng Thailand ay ipinagdiriwang kasabay ng kaarawan ng Hari nito. Sa pamumuno ni His Majesty, King Bhumibol Adulyadej, na isinilang noong Disyembre 5, 1927, ang National Day ng Thailand ay ginugunita tuwing Disyembre 5 ng bawat taon. Ngayong taon, inihayag ng Gabinete ng Thailand, sa pulong nito noong Nobyembre 22, 2016, na ipagdiriwang pa rin ngayong Disyembre 5 ang anibersaryo ng kapanganakan ng Kanyang Kabunyian, ang yumaong si King Bhumibol Adulyadej, na pumanaw noong Oktubre 13, 2016. Inihayag din ng isa sa mga tagapagsalita ng gobyerno na si Col. Thaksada Sangkhachan ng magkakaroon ng mga royal ceremony bilang paggunita sa yumaong Hari tuwing Disyembre 5 ng bawat taon, na katatampukan ng mga relihiyosong rituwal at mahahalagang aktibidad ng Bureau of the Royal Household.

Taong 1987 nang ginawaran si King Bhumibol ng titulong King Bhumibol the Great. Siya ang ikasiyam na hari ng Thailand mula sa Dinastiyang Chakri, bilang Rama IX. Pinamunuan ng Dinastiyang Chakri ang Thailand simula 1782. Naluklok sa trono si Rama IX noong Hunyo 9, 1946, at kinoronahan noong Mayo 5, 1950. Siya ang haring pinakamatagal sa puwesto sa panahon ng kanyang pagpanaw. Sasapit na sana siya sa 89 na taong gulang ngayon.

Iginagalang ang yumaong Hari bilang Ama ng Bansa. Marami sa nasasakupan ng kanyang kahariang Buddhist ang itinuturing siyang halos banal. Sa pagpapakita ng pagmamahal sa kanilang Hari, daan-daang tao ang nagdaos ng magdamagang prayer vigil sa ospital sa Bangkok kung saan siya nagpagamot noong Oktubre. Karamihan sa kanila ay nagsuot ng dilaw, ang kulay ng Hari, habang ang iba naman ay pink ang damit, ang kulay na pinaniniwalaan nilang maghahatid ng ginhawa sa kalusugan ng Hari. Bitbit nila ang mga gamit na may imahe ng kanilang pinakamamahal na Hari at tumatangis habang taimtim na nananalangin para sa kanyang paggaling.

Sa Thailand, ang kaharian ay buong respetong kinikilala bilang isang “solid institution that has played a key role in unifying Thais from all walks of life.” Bilang simbolo ng lubos nilang pasasalamat sa kanilang Hari, libu-libong Thai ang nagtipun-tipon sa Hua Hin sa bisperas ng Disyembre 5 upang batiin siya ng maligayang kaarawan. Ang Kaarawan ng Hari ay ipinagdiriwang din bilang Fathers’ Day sa Thailand. Madaling-araw nagsimula ang mga nakalipas na selebrasyon, sa pagpunta ng Hari sa templo bilang pagpapahalaga sa mga monghe. Ito ay karaniwang mapapanood sa telebisyon.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Karaniwan nang nagsusuot ng dilaw na damit ang mamamayang Thai bilang pagpupugay sa kanilang hari, dahil ito ang kulay ng kanilang Hari, at kulay din ng Lunes, ang araw na isinilang ang Kanyang Kabunyian. Magtatanghal ang mga batang Thai ng pambansang sayaw at dula at aabutan ang kani-kanilang ama ng mga bulaklak na canna, na sa Thailand ay itinuturing na bulaklak para sa mga lalaki.

Hunyo 14, 1949 nang maitatag ang pormal na ugnayan ng Pilipinas at Thailand. Nananatiling mainit at mabunyi ang relasyon ng dalawang bansa. May embahada ang Thailand sa Makati City, habang nasa Bangkok naman ang embahada ng Pilipinas.

Binabati natin ang mamamayan at ang gobyerno ng Thailand sa pagdiriwang nila ng National Day at ng ika-89 na anibersaryo ng kapanganakan ng Kanyang Kabunyian, ang yumaong si King Bhumibol Adulyadej.