TAGUM CITY, Davao Del Norte – Dinomina ng Dasmariñas, Cavite bet ang standard at blitz event matapos mag-uwi ng tig-dalawang ginto sina Kylen Joy Mordido at Daniel Quizon at isa kay Jerlyn Mae San Diego sa chess competition ng 2016 Philippine National Youth Games (PNYG) – Batang Pinoy National Championships.
Unang napasakamay ng Dasmariñas City ang dalawa sa apat na ginto sa standard event kung saan nagbida si Kylen Joy Mordido sa Girls’ 13-17 sa tinipon na 6.5 puntos upang talunin sina Cebu City bet Glybel Jane Quinanola at Me Ann Joy Baclayon ng Misamis Oriental.
Hindi rin nagpatalo sa kabuuang 240-player standard chess na ginanap sa Bulwagang Panlalawigan ng Davao Del Norte ang kasamahan ni Mordido na si Daniel Quizon na nagwagi sa boys’ under-12 sa nalikom na 5.5 pts. via tiebreak kina Clyde Harris Saraos ng Jasaan, Misamis Oriental at Mark Jay Bacojo ng Pasig City.
Tanging nakawala ang boys’ 13-17 na napanalunan ni John Marx Anastacio ng Pangasinan (6.5) habang napunta ang pilak at tanso kina John Marvin Miciano ng North Cotabato (6.0) at Carl Zirex Sato ng Panabo City.
Nagwagi rin sa Girls 12-under sina Cebu Province Alphecca Gonzales (6.5) habang ikalawa si Jerlyn Mae San Diego (6.0) ng Dasmariñas at Taguig City’s Marjeri Janapin (5.5).
Hinablot naman ni Jerlyn Mae San Diego ng Dasmariñas City ang ginto sa Blitz Girls 12-under sa natipon nito na kabuuang anim na puntos habang ikalawa si Ma. Elayza Villa ng Mandaluyong City. Ikatlo si Josemirel Jene Panol ng Pasig City na may natipon na 5.5 puntos.
Nanalo sa Blitz Boys 13-17 si Chris Aldritz Pondoyo ng Cebu City habang ikalawa si John Marvin Miciano ng North Cotabato at ikatlo si Jester Sistoza ng Makati City nang isagawa ang tie-break bunga ng pagtatabla ng tatlo sa tig-anim na natipong puntos.
Nagtipon naman ng pitong puntos si Mordido para sa ikalawa rin nitong ginto sa Blitz Girls 13-17. May anim na puntos si Laila Camel Nadera ng Cebu city para sa pilak habang wagi sa tie-break si Genlaiza Pearl Bagorio ng Nueva Viscaya para sa tansong medalya.
Ang kapwa beterano na sa internasyonal na torneo na sina Mordido at Quizon ay inaasahan na tatanggap ng pabuya na P10,000 mula kay Dasmariñas City Mayor Elpidio Barzaga, Jr. base sa pangako nito na mapapanalunang gintong medalya ng bawat kasalo sa delegasyon. (Angie Oredo)