Si Presidential Management Staff (PMS) chief at Executive Assistant Christopher “Bong” Go ang opisyal na binanggit ni Philippine National Police (PNP) Chief Director Gen. Ronald “Bato” dela Rosa na nagpabalik sa puwesto kay Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Region 8 Director Senior Supt. Marvin Marcos.

Ito ang inihayag kahapon ni Senator Leila de Lima, sinabing si Go ang tinukoy ng kanyang mga “source” na nakiusap kay Dela Rosa upang maibalik sa puwesto si Marcos.

Una nang inamin ni Dela Rosa na may “kumpare” siya mula sa Malacañang na nakiusap na ibalik si Marcos dahil nakakaawa naman daw ang pamilya kung mahiwalay ang mga ito.

Matatandaang inalis sa puwesto si Marcos matapos matukoy na ito ang nasa likod ng pagsisilbi ng search warrant kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, na nanlaban umano kaya napatay sa loob ng Leyte sub-provincial jail sa Baybay City.

National

27 volcanic earthquakes, naitala mula sa Bulkang Kanlaon

Itinuro rin ni Kerwin Espinosa, anak ng alkalde, si Marcos na isa sa mga nakinabang sa drug money.

Ayon kay De Lima, malinaw ang natanggap niyang impormasyon mula sa kanyang source na si Go ang tumawag kay Dela Rosa para ibalik sa tungkulin si Marcos.

“I have my own sources… si Bong Go. Let them deny that. If they deny, okay, hindi naman ako ang source. I’m just quoting a source,” ani De Lima.

Nilinaw naman ng senadora na walang nabanggit ang source kung ang nasabing pakiusap ni Go ay direktang nagmula kay Pangulong Duterte.

NANINDIGAN VS SHOW-CAUSE ORDER

Samantala, sinabi ni De Lima na tanging sa Senate ethics committee lamang siya sasagot sa mga reklamong inihain sa kanya, dahil ito ang may hurisdiksyon sa kanya bilang isang senador.

“I am willing to submit myself to the ethics committee. I have to respond if they require me to respond or file an answer. Kikilalanin ko siyempre ang jurisdiction ng ethics committee,” ani De Lima.

Nanindigan din si De Lima na hindi dapat siyang pilitin ng Senado na sagutin ang show-cause order ng House committee.

“I am not honoring that (order) and the Senate also, because this will be unprecedented na hahayaan nila na a sitting member na you know — feeding me to the lions. That’s practically feeding me to the lions kung i-insist halimbawa ng Senate na ‘sagutin mo ‘yan, magpakita doon o i-recognize mo ang jurisdiction nila’,” ani De Lima. (Leonel M. Abasola)