Makukulong ng 10 taon ang isang dating alkalde ng Isabela at dating agriculturist ng probinsiya dahil sa pagkakasangkot nila sa umano’y maanomalyang road project noong 2008.
Napatunayan ng 3rd Division ng Sandiganbayan na nagkasala sa graft sina dating Luna Mayor Manuel Tio at Lolita Cadiz, agriculturist, at bukod sa pagkakapiit ay pagbabawalan ding humawak ng anumang posisyon sa gobyerno.
Nag-ugat ang kaso sa paggawad nina Tio at Cadiz ng kontrata sa Double A Gravel and Sand para sa pagpapagawa sa isang-kilometrong Harana-Mambabanga road noong 2008.
“Tio was found guilty as the mayor who ordered the construction of the road project, approved the disbursement voucher and signed the check for the payment of P2.5 million to Double A. Meanwhile, Cadiz was found guilty for certifying the availability of the budgetary allotment,” anang desisyon ng korte. (Rommel P. Tabbad)