TAGUM CITY, Davao Del Norte – Nakatuon sa munting pangarap na maiahon sa kahirapan ang mga kapatid at magulang, sinimulan ni Lovely Vidal Inan ng Angono, Rizal na abutin ang adhikain sa unang hakbang na pagsungkit sa gintong medalya sa 12-under girls weightlifting ng 2016 Batang Pinoy National Championships.

Madalas na binubuhat ang mga kalakal na bote, bakal at diyaryo, sinimulan ng 12-anyos at Grade 5 sa Guido Elementary School sa Angono, Rizal na sabutin ang pangarap niyang makapag-aral at malampasan ang nakamit ni Rio silver medalist Hidilyn Diaz.

“Nakita ko siya na malakas bumuhat ng mga kalakal kaya tinuruan ko siya ng basic at gold agad sa una nitong tourmnament,” sabi lamang ni dating national weightlifter at ngayon ay piloto na sa Philippine Air Force at regional coach ng nag-oorganisang Philippine Sports Commssion (PSC) na si Richard Agosto.

“Gusto ko po matulungan ang mga kapatid ko makapag-aral at pati magulang ko para hindi na po kami mangunguha ng mga basura,” sabi ng nakatira sa Brgy. San Isidro, Angono, Rizal na si Inan sa pagtala ng perfect snatch attempt na 42kg at clean and jerk sa 55kg para sa total lift na 95kg para sa gintong medalya sa una nitong pagsali.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Sometimes people just look at end result, but they never bother to look back to the struggle this kid had encounter,” sabi pa ni Agosto. “Matindi ang hangarin ng bata na matularan kung hindi man malampasan ang achievement ni Hidilyn (Diaz) kaya talagang kailangan matutukan dahil isa lamang siya sa posibleng bagong atleta natin.”

Pumangalawa kay Inan si Sophia Amor ng Quezon City na nakabuhat ng 38 sa snatch at 50 sa clean and jerk para sa 88kg habang ikatlo si Jade Almorin ng Zamboanga City na may 35kg-45kg para sa total lift na 80kg.

Samantala, iniuwi naman nina Moira Frances Erediano ng Cebu Province, Jeremy Genesis Marana ng Nueva Ecija at swimmer na sina Maenard Batnag ng Baguio City at Christian Paul Anor ng Banganga, Davao Oriental ang tig-tatlong gintong medalya sa ikatlong araw ng torneo na para sa mga batang atleta edad 17-anyos pababa.

Iniuwi ni Erediano ang ikatlong ginto sa girls 11-12 duathlon na may 1.5km run-6km bike-1.5km run distansya sa kabuuang 25 minuto at 10 segundo matapos na unang magwagi sa criterium event ng cycling at sa triathlon.

Nagwagi naman si Maraña, una nang nagwagi ng ginto sa girls 15-under at 17-under criterium sa isinagawang 20-kilometro na girls road race sa itinalang 32:41.360.

Nakatakda itong iuwi ang ikaapat na gintong medalya sa pagsabak sa gaganaping Individiual Time Trial.

Nagwagi naman sa 17-under duathlon na may distansiya na 3km run-12km bike -1.5km run sina Joshua Alexander Ramos ng Baguio (35:29) at Lauren Justine Plaza ng Biñan, Laguna (38:09).

Dalawang gintong medalya ang iniuwi naman ni Joselyn Cayetano sa pagwawagi sa girls’ 16-17 1500m, Lunes pati na sa 3000m (11:06.67) Martes ng umaga.

“`I train hard every day and hope to get a scholarship in college out of my efforts,’’ sabi ng 16-anyos Grade 9 student mula sa Loong National High School sa Concepcion, Iloilo na naging bronze medalist (1500m) sa nakaraang Albay Palarong Pambansa. (Angie Oredo)