Mabubura na ang terminal fee sa binabayarang tiket ng overseas Filipino workers (OFWs) simula sa susunod na taon.
Tinatapos na lamang ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang technical details sa international airlines upang maalis ang terminal fee na tinututulan ng milyun-milyong OFWs.
Sinabi ni Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal na simula sa Marso 2017, hindi na magbabayad ang mga OFW ng P550 airport terminal fee na isinasama sa binibiling ticket sa airline offices sa ibang bansa.
Ang pagbabayad ng airport fee o International Passenger Service Charge (IPSC) ay ipinataw ni dating NAIA General Manager Gen. Angel Honrado. Idinadagdag ito sa halaga ng tiket na binili sa online o sa airline ticket offices ngunit maaaring makuha ng mga OFW ang refund sa kanilang pag-alis sa mga paliparan sa bansa.
Ang kabuuang nakolektang airport fee na ipinatupad noong Pebrero 2015 ay umabot na sa mahigit isang bilyong piso at halos kalahati ng halagang ito ay hindi pa rin naki-claim ng ilang OFWs at nananatili sa General Fund ng NAIA.
Sinabi ni Monreal na maaari pa ring makuha ng mga OFW ang refund basta’t hawak pa nila ang kanilang E-ticket, boarding pass at passport, kahit ilang taon na ang lumipas. (Ariel Fernandez)