BONGABON, Nueva Ecija - Umaasa ang mga negosyante ng sibuyas sa Nueva Ecija na makatutulong sa kanilang kalagayan ang magiging pakikipag-usap sa kanila ni Department of Agriculture (DA) Secretary Emmanuel Piñol ngayong Martes.
Masayang ibinalita ni Engr. Israel Reguyal, chairman ng Local Onion Growers for National Economic Trade Corporation (LOGNETC), ang nakatakdang pag-uusap matapos silang manawagan kay Pangulong Duterte laban sa walang kontrol na pagpasok sa bansa ng mga imported na sibuyas.
Ayon kay Reguyal, Nobyembre 17 nila nakumpirma kay Bureau of Plant and Industry (BPI) OIC Vivencio Mamaril na umabot na sa 1,796 ang import permit ang naaprubahan.
Idinaing ni Reguyal na bumagsak ang presyo ng lokal na sibuyas sa P35-P40 kada kilo mula sa dating P70-P80 na hindi pa mabili, dahil ang imported na sibuyas ay nasa P28 kada kilo lang. (Light A. Nolasco)