ANO kaya ang drama nitong si Ellen Adarna at bigla na lang kaming tinalikuran pagkatapos ng Q and A presscon ng Langit Lupa sa Dolphy Theater ng ABS-CBN noong Miyerkules ng gabi?
Alam niyang tungkol kay Baste Duterte ang itatanong sa kanya dahil nga kumalat sa social media ang litrato ng paghahalikan nila.
Kasagutan sa isang simpleng tanong lang naman ang gusto naming alamin sa kanya, kung officially on na ba sila dahil nga parati niyang sinasabi na magkaibigan lang sila.
May magkaibigan ba namang naghahalikan ng lips-to-lips lalo?
“Ah, that is not, ah... ah...” ang hindi natapos na sagot ni Ellen, sabay talikod.
Nakakaloka rin itong si Ellen, eh, mabuti na lang kahit papaano ay nakita naming magalang siya sa may edad sa kanya, kundi’y baka i-bash din namin siya.
Anyway, wholesome na ang gustong imahe ngayon ni Ellen dahil sa papel niya na laging ipinapakita sa flashbacks bilang ina noong kabataan ni Sylvia Sanchez sa The Greatest Love na pumapalo sa ratings game.
At ngayon ay kasama siya sa pambatang seryeng Langit Lupa na premiere airing na sa Lunes, Nobyembre 25 mula sa RSB unit.
Sa Q and A, tinanong si Ellen kung hindi ba siya naiilang sa wholesome na ang papel niya pagkatapos ng Pasion de Amor na laging nakabilad ang katawan niya.
“Actually, hindi naman po kasi sanay ako sa mga bata. Ako ’yung eldest, so, growing up, inalagaan ko ’yung mga kapatid ko rin. I have four younger brothers,” sangga ng tisay na aktres.
Hindi niya nami-miss ang sexy role.
“Actually, mas gusto ko nga (ang wholesome role), eh. Ang hirap kayang magpa-sexy,” napangiting sabi ng dalaga.
Goodbye sexy na, kasi ayaw na ni Ellen.
”Hindi naman sa ayaw ko. Mahirap magpa-sexy, ’yun lang. Alam naman ng lahat ’yan, mahirap magpa-sexy.”
Si Ellen ang makaka-partner ni Patrick Garcia nang mamatay ang asawa nitong ginagampanan naman ni Alessandra de Rosi.
Makakasama nina Ellen at Patrick sa Langit Lupa ang dalawang sumisikat na child stars na sina Yesha Camille at Xia Vigor, with Yam Concepcion, Jason Abalos, Tommy Esguerra, Miho Nashida, Jairus Aquino, Sharlene San Pedro, Kitkat, Buboy Garovillo, Viveika Ravanes mula sa direksiyon nina Carlo Po Artillaga at Myla Ajero-Gaite. (REGGEE BONOAN)