Inihayag kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na 11 miyembro ng Maute Group ang napatay habang limang iba pa ang nasugatan makaraang paigtingin ng tropa ng gobyerno ang opensiba nito laban sa teroristang grupo na sumalakay sa Butig, Lanao del Sur.

Nasugatan din sa sagupaan ang apat na sundalo matapos na salakayin ng nasa 100 armadong miyembro ng Maute Group ang lugar simula pa nitong Huwebes.

Sa isang pahayag, sinabi ni Marine Col. Edgard A. Arevalo, hepe ng Public Affairs Office ng AFP, na nagdulot ng matinding takot sa mga residente ang pagsalakay ng Maute.

“The figure was based on signal intelligence and other sources from the ground,” ani Arevalo.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Batay sa mga report, nasa 100 miyembro ng Maute ang kumubkob sa mahahalagang installation sa Butig simula pa nitong Huwebes ng gabi.

Dakong 10:00 ng umaga nitong Sabado nang makasagupa ng militar ang 15 miyembro ng Maute sa Barangay Bayabao sa Butig.

“The recent action of the lawless Maute Group in occupying an abandoned portion of Butig Municipality at 9 o’clock in the morning of 26 November 2016 has driven the people from other areas of the town to flee their homes,” saad sa pahayag ni Arevalo.

“Two soldiers were slightly wounded while 11 members of Maute Group were killed and at least five wounded as result of this,” dagdag niya.

Sinabi pa ni Arevalo na itinaas ng grupo ang bandila ng Islamic State (IS), na inaasahan na, aniya, dahil matagal nang nagpahayag ng suporta ang Maute sa kilalang grupo ng mga terorista.

“This is still part of the Maute Group’s agenda in courting support and encouraging similar minded individuals to support IS,” ani Arevalo.

Tiniyak naman ni Army Brig. Gen. Restituto Padilla, tagapagsalita ng AFP, na magtutuluy-tuloy ang operasyon ng militar upang tuluyang pigilan ang anumang binabalak ng Maute Group. (FRANCIS T. WAKEFIELD)