Naiuwi ni Filipino Grandmaster candidate Haridas Pascua ang titulo sa Open category ng Raja Catur (King of Chess) Sabak Bernam 2016 nitong weekend sa Sungai Besar, Sabak Bernam District sa Selangor, Malaysia.
Maliban sa titulo, nakamit din ng Pinoy top seed ang MYR1,000 o mahigit P11,000 sa pagtatala ng anim na panalo at isang tabla sa torneo na nilahukan ng may 79 player.
Una nang nagwagi si Pascua sa Open rapid ng Malaysia Rapid and Blitz Chess Championships sa Universiti Teknologi Petronas sa Ipoh, Perak noong Nobyembre 12-13 upang iuwi ang MYR1,000.
Patungo sa back-to-back na panalo, nag-third lamang si Pascua kaya mula sa 2409 ELO rating patungo sa tatlong torneo’y umangat siya sa 2435, upang makalapit sa full-pledge GM status ng World Chess Federation.
Nakatakda itong lumahok sa Philippine International Chess Championship sa Dec. 5-11 at PSC-Puregold Chess Challenge sa December 13-18 na parehong gaganapin sa Subic, Olongapo, at ang Jollimark International Open Chess Championships sa Disyembre 25-31 sa Hong Kong.
Kabilang sa mga tinalo ni Pascua sina Malaysian 41st seed Wan Ahmad Nasir Wan Ali, 27th seed Tan Kah Chun, 12th seed Hairul Abdul Hamid, sixth seed Chek Kin Keuw, Wahiduddin at Udani bago nakipag-draw kay Senador. (Angie Oredo)