NAGSUMBONG si Pangulong Digong sa kanyang idolong si Pangulong Vladimir Putin ng Russia tungkol sa pambu-bully ng America sa ating bansa. Gagawa raw ito ng digmaan sa kanluran at pipiliting isama ang ating bansa.
Napakatapang magsalita ng Pangulo laban sa America. Pinayuhan lang siya ni Barack Obama na maghinay-hinay sa kanyang kampanya laban sa ilegal na droga ay nagalit na siya. Hindi naging maganda sa kanyang pandinig ang naging pahayag ni Obama na igalang niya ang karapatan ng tao sa due process at human rights. Kaya, nasabi niya, “Obama, go to hell.”
Ganito rin ang sinabi niya sa pinuno ng United Nations Organization at sa lahat ng mga bumatikos sa kanya sa mga pagpatay sa mga taong sangkot sa ilegal na droga.
Pero, napakataas ng pagtingin niya sa mga pinuno ng mga bansang tulad ni Chinese President Xi Jinping at Russian President Putin. Halos lumuhod siya sa kanilang harapan. Upang ipakita niya ito, bukod sa magalang niyang pagtrato sa mga ito ay nagsumbong pa siya kay President Putin sa umano’y pambu-bully ng America sa ating bansa. Para bang may magagawa si President Putin na ipagtanggol tayo sa ginagawa sa atin ng America. Mabuti pa iyong bata na inagawan ng kendi, ang kanyang pinagsusumbungan ay iyong kanyang magulang na alam niyang matutulungan siya.
Sa relasyon ng mga bansa, ang bawat isa ay gumagalaw at pinagagalaw ng kanya-kanyang sariling interes. Kaya, wala silang permanenteng kaibigan, kundi permanenteng interes. Ang kaibigan nila ngayon ay maaaring kaaway nila bukas at ang kalaban nila ngayon, kaibigan naman bukas. Kung itataguyod natin ang independent foreign policy, tama lamang na tanggihan natin ang anumang relasyong inilalagay ang ating bansa sa dehadong kalagayan. Hindi naaayon sa ating pagiging malayang bansa ang maging sunudsunuran sa dikta at kagustuhan ng mga dayuan na makasasama naman sa ating kapakanan.
Pero, hindi maganda sa panlasa ang isumbong mo ang isang bansa sa kapwa bansa dahil hindi mo gusto ang ginagawa sa iyong... bansa. Gusto lang nating palakasin ang ating relasyon sa isang bansa sa pamamaraang pagsusumbong at intriga.
Hindi, ganito ang pamamaraan ng isang malayang bansa na nagtataguyod ng independent foreign policy. Para wala tayong kahihiyan at ipinakikita lang natin ang ating kahinaan na isulong ang ating sariling interes. Magandang magpakita tayo ng tapang at tibay ng paninindigan kahit sinong bansa ang ating kaharap at makakarelasyon. Hindi dapat tayong sumbungero. (Ric Valmonte)