Pinaghahanda ng Philippine Atmospheric, Geophysical andAstronomical Services Administration (PAGASA) ang mga residente ng Surigao dahil sa inaasahang pagtama ngayong araw ng bagyong ‘Marce’ sa naturang lalawigan.
Sa inilabas na report ng PAGASA, anumang oras mula ngayon ay maaaring humagupit ang bagyo sa Surigao del Norte at Surigao del Sur.
Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 175 kilometers Silangan Hilagang Silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.
Magdadala ito ng hanging 45 kilometer per hour (kph) malapit sa gitna at bugsong 55 kph at inaasahang kikilos pa-Kanluran Hilagang Kanluran sa bilis na 15 kph.
Ayon sa PAGASA, posibleng magdulot ng landslide at flashflood ang ulang dala ng bagyon.
May 22 pang lugar ang isinailalim sa public storm warning signal (PSWS) No. 1 na kinabibilangan ng Romblon, Cuyo Island, Leyte, Southern Leyte, Bohol, Cebu, kabilang na ang Bantayan at Camotes Islands, Siquijor, Negros Oriental, Negros Occidental, Iloilo, Capiz, Aklan, Antique at Guimaras, Surigao del Norte, kabilang na ang Siargao Island, Surigao del Sur, Dinagat Islands, Agusan del Norte, Agusan del Sur, Misamis Oriental at Camiguin. (Rommel P. Tabbad)