TINANGHAL na pinakamahusay ang dark high school comedy na 2 Cool 2 Be 4gotten ng Kapampangang direktor na si Petersen Vargas sa 12th Cinema One Originals Film Festival sa tatlong tropeo na nakamit kabilang na ang Best Picture.

Napanalunan din ng naturang pelikula ng Best Supporting Actor para sa Hashtags member na si Jameson Blake at Best Cinematography para kay Carlos Mauricio sa awards night na ginanap sa Dolphy Theatre nitong nakaraang Linggo (Nobyembre 20).

“Salamat, Kapampangan cinema, na nagbigay oportunidad sa akin na magkuwento,” pahayag ni Petersen nang tanggapin ang parangal sa kanya. “It has always been Kapampangan cinema that I’ve been inspired of and inspired by.”

Tampok sa 2 Cool 2 Be 4gotten ang kuwento ni Felix, isang estudyanteng masipag ngunit walang kaibigan na nabago ang buhay nang dumating sa paaralan ang magkapatid na half-American. Naganap ang kuwento ng pelikula sa Pampanga, bilang pagbibigay-pugay ni Petersen sa kanyang bayang tinubuan.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Nag-uwi rin ng tatlong parangal ang Baka Bukas ni Samantha Lee, kabilang na ang Best Actress para kay Jasmine Curtis Smith, Best Sound para kay Andrew Milallos, at ang Audience Choice Award.

Maluha-luhang tinaggap ni Jasmine ang kanyang tropeo.

“Gusto kong mag-shout out sa lahat ng nanonood sa film namin… Ang dami n’yong reviews, at naging sari-sariling critics kayo sa film namin. At para diyan nagpapasalamat kami. At mabuhay ang LGBT community. Nandito ako para sa inyo hanggang sa dulo,” pahayag ni Jasmine.

 Samantala, nasungkit naman ng Lily ni Keith Deligero ang pinakamaraming parangal, kasama na ang Best Director, Best Editing, Best Actor para kay Rocky Salumbides, at Best Supporting Actress para kay Natileigh Sitoy.

Ang geriatric action film ni Jules Katanyag na Si Magdalola At Ang Mga Gago naman ang ginawaran ng Special Jury Prize.

Nagbukas noong Nobyembre 14 ang Cinema One Film Festival 2016 at nagtapos nitong Nobyembre 22.

Ang Cinema One Originals ay taunang film festival na nagbibigay ng pagkakataon sa talentadong Pinoy storytellers na isapelikula ang kanilang mga kuwento simula noong 2004. Isa itong local independent film festival ng Cinema One, cable channel na bahagi ng Creative Programs, Inc. na subsidiary ng ABS-CBN.

Sa pagdiriwang ng ika-12 na taon nito, hinahamon ng filmfest ang imahinasyon at pananaw ng mga manonood gamit ang tagline na “Anong tingin mo?” 

Nakilala na sa bansa ang Cinema One Originals dahil sa mga pelikula nitong nagbibigay ng bagong perspektibo at iba’t ibang paraan ng pagsasalaysay ng kuwento. Nag-uwi na rin ito ng karangalan sa bansa. Nagmula rito ang Hamog na nakakuha ng Jury Prize sa 2015 Cinema One Originals Awards at nagkamit ng Outstanding Artistic Achievement award sa Shanghai International Film Festival at ipinalabas sa New York Asian Film Festival (NYAFF) ngayong taon. Kinilala naman si Teri Malvar, 2015 Cinema One Originals Awards Best Actress, bilang Best Actress sa 2016 Moscow International Film Festival at Screen International Rising Star Asia awardee sa NYAFF para sa kanyang pagganap sa naturang pelikula.

Naririto ang mga nagwagi sa festival ngayong taon:

Jury Prize winner: Si Magdalola at ang mga Gago

Best Picture: 2 Cool 2 Be 4gotten

Best Actress: Jasmine Curtis-Smith (Baka Bukas)

Best Actor: Rocky Salumbides (Lily)

Best Supporting Actress: Natileigh Sitoy (Lily)

Best Supporting Actor: Jameson Blake (2 Cool 2 Be 4gotten)

Best Director: Keith Deligero (Lily)

Best Screenplay: Malinak Ya Labi (Jose Abdel Langit)

Best Cinematography: 2 Cool 2 Be 4gotten (Carlos Mauricio)

Audience Choice: Baka Bukas

Best Sound: Baka Bukas (Andrew Milallos)

Best Music: Tisay (Francis de Veyra)

Best Editing: Lily

Best Production Design: Tisay (Michael Español)

Best Documentary: Forbidden Memory

Best Short Film: Maria

Special Citation: The Diary of Vietnam Rose

Champion Bughaw Award: Tisay

C1 Minute Top Student Film: No Seguir