Patay ang regional director ng Bureau of Internal Revenue (BIR) habang grabe namang nasugatan ang kanyang driver matapos silang tambangan ng riding-in-tandem habang nagbibiyahe sakay sa kotse ng opisyal sa Quezon City, kahapon ng umaga.

Kinilala ni Senior Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, Quezon City Police District (QCPD) director, ang napatay na si Jonas Amora, 55, ng Filinvest East, Antipolo City. Si Amora ang Director II ng Makati City BIR Revenue Region 8.

Samantala, sugatan naman ang driver niyang si Angelito Pineda, 50, ng Barangay Pinyahan, Quezon City.

Ayon kay Eleazar, batay sa mga paunang report sa kanya, sakay sina Amora at Pineda sa Toyota Innova (EBZ-502) pasado 5:00 ng umaga nang pagsapit nila sa Major Dizon Street malapit sa Katipunan Avenue sa Barangay Escopa 2 ay harangan sila ng dalawang armadong magkaangkas sa motorsiklo at pagbabarilin.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Kaagad ding tumakas ang mga hindi nakilalang suspek, na kapwa nakasuot ng helmet.

Narekober ng Scene of the Crime Operations (SOCO) sa lugar ang 10 basyo ng bala ng .9mm caliber, ilang pang basyo at P366,750 cash.

SPECIAL PROBE

Sinabi ni Eleazar na bumuo na ang QCPD ng Special Investigation Task Group (SITG), at personal niya itong pamumunuan kasama sina Senior Supt. Crizaldo Obispo Nieves, deputy district director for operation ng QCPD.

“So far we are still determining if the killing has something to do with his job as BIR regional chief or maybe personal,” ani Eleazar.

Halos hindi naman makapaniwala ang mga nabiglang opisyal at kawani ng BIR sa sinapit ng inilarawan nila bilang masipag, istriko ngunit mabait na opisyal.

Kahapon, naka-half mast ang watawat sa BIR bilang pagbibigay-pugay kay Amora, na ayon sa mga katrabaho nito ay walang kaaway 33 taong paglilingkod sa ahensiya.

MAGKASUNOD, MAGKATULAD NA PAGPATAY

Nagpahayag naman ng pagkabahala ang Philippine National Police (PNP) sa magkasunod ngunit magkahawig na pagpatay sa dalawang mataas na opisyal ng gobyerno.

“There appears to be a pattern. The other day, it was from (Bureau of) Customs, and now, it’s from BIR,” sabi ni ni PNP Chief, Director General Ronald dela Rosa.

Gabi nitong Nobyembre 17 nang pagbabarilin at mapatay si Customs Deputy Commissioner Arturo Lachica habang sakay sa kanyang kotse sa España Boulevard sa Maynila. Nananatiling palaisipan sa pulisya ang pagkamatay ni Lachica hanggang ngayon.

Pinag-iisipan din ng PNP na bigyan ng seguridad ang matataas na opisyal ng gobyerno, partikular ang mga may natatanggap na banta sa buhay. (FRANCIS WAKEFIELD, JUN RAMIREZ at AARON RECUENCO)