ILOILO CITY – Mahigit tatlong taon na ang nakalipas matapos manalasa ang super typhoon ‘Yolanda’ ngunit 83,228 pamilya sa Western Visayas ang wala pa ring natatanggap na ayuda sa pabahay mula sa gobyerno.

Batay sa ulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), hindi inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang P1.17 bilyon pondo na hiniling ng DSWD-Region 6 para sa 83,228 pamilya.

Bigo namang tukuyin sa report kung bakit hindi ito naaprubahan ng DBM.

Sa nakalipas na administrasyong Aquino, sinabi ni noon ay DSWD Secretary Corazon “Dinky” Soliman na ang surplus sa 2015 budget ay maaaring ilaan sa mga sinalanta ng bagyo na hindi pa nakatatanggap ng shelter aid.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Una nang sinabi ni DSWD-6 Director Rebecca Geamala na nailabas na ang P8.8 bilyon para sa pagpapatayo at pagkukumpuni ng bahay ng 503,840 pamilya sa Aklan, Antique, Capiz, Iloilo, at Negros Occidental: P30,000 para sa pamilyang nawasak ang bahay at P10,000 na nasira ang tirahan.

Matatandaang kamakailan lang ay iprinotesta ng Yolanda survivors sa Panay Island ang anila’y pamumulitika sa paglalabas ng pondo sa shelter aid.

Iginiit naman ng DSWD-6 na ibinigay na nito ang pondo sa mga lokal na pamahalaan, na bahala nang magbahagi nito sa mga benepisyaryo. (Tara Yap)