BUTUAN CITY – Labing-isang oras na walang kuryente kahapon ang buong Surigao del Norte at limang munisipalidad sa Surigao del Sur.

Simula 7:30 ng umaga hanggang 6:30 ng gabi kahapon ay nabalot ng dilim ang lahat ng 11 bayan at isang siyudad sa Surigao del Norte, gayundin ang mga bayan ng Carrascal, Cantilan, Madrid, Carmen at Lanuza sa Surigao del Sur.

Nabatid na tanging ang Province of Dinagat Islands (PDI) ang hindi naapektuhan ng brownout dahil saklaw ito ng isang maliit na power utility group at hindi nakakonekta sa main grid ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Labis naman ang galit ng mamamayan at mga negosyante sa mga apektadong lugar.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Paliwanag ng NGCP, hindi nakapag-supply ng kinakailangang kuryente ang mga local power distributor sa Surigao del Norte at Surigao del Sur dahil sa pagsasaayos sa equipment ng transmission.

Sa advisory, ipinaliwanag pa ng NGCP na ang brownout ay bunsod ng ginagawang upgrading sa Butuan-Claver 138 KV line 1 at maintenance activity sa Placer substation (Surigao del Norte) at Madrid (Surigao del Sur) 69 KV line. (Mike U. Crismundo)