MAY kanya-kanyang opinyon ang ilan nating kababayan sa pagkakalooban ni Pangulong Rodrigo Duterte ng absolute pardon kay Robin Padilla sa kasong illegal possession of firearms (na naging kaso niya 22 years ago).

“Karapatan naman ng mga kababayan natin ‘yan na magbigay ng kanya-kanyang opinion,” pahayag ni Robin. “Ang gusto ko lamang ipaliwanag sa inyo, unang punto, binayaran ko ang kasalanan ko sa Bilibid.

“Marami diyan na nasa gobyerno pa hanggang ngayon na hindi naman nagbayad ng kanilang mga kasalanan. Nabigyan lang ng amnesty. Ako hindi, binayaran ko, tatlo’t kalahating taon. Wala akong pinatay, wala akong hinostage. Sa bibig ng ating mahal na pangulo, sino ang nakalaban ko? Bakal. At wala akong pinaggamitan ng bakal na ‘yan. Sa tatlong taon at kalahati ko sa loob at magmula noon 22 years ‘yun wala naman akong naging kaso na ako may inapi, na ako’y may tinutukan ng baril, na ako’y may sinapok. Wala akong naging kriminal na naging kaso,” paglilinaw ni Robin.

Wala naman daw siyang piniling administrasyon para pagsilbihan dahil lahat ng mga nakaraang pangulo ng bansa ay kanyang sinuportahan.

Tsika at Intriga

'2026 na, pa-victim ka pa rin?' Ex-gf ni Kokoy de Santos, nanindigang 'di siya nagloko

“Ilang pangulo ang dumaan, kung saan saan ako inutusan ng mga pangulo na ito. Si FVR (Fidel V. Ramos) maraming salamat pinalaya niya ako. Pero sa ginawa ko sa Bilibid, dapat doon pa lang sa ‘tinanim ko sa Bilibid. Panahon ni Presidente Erap (Joseph Estrada) inutusan nila ako sa Abu Sayyaf. Sumagip ako ng mga bata du’n at meron pa tayong mga kapatid na reporter na na-hold du’n, buhay sila hanggang ngayon. Nagpaiwan ako du’n. Lahat sila bumaba. Hindi naman ako humingi.

“Panahon ni GMA (Gloria Macapagal-Arroyo), ilang beses ako nasa Mindanao kasama si (Press) Secretary (Jesus) Dureza, pero hindi ako humingi niyan. Wala. Panahon ni PNoy kasama ko si Kris Aquino sa Kailangan Ko’y Ikaw, puwedeng-puwede ko na sabihin, ‘Bigyan niyo naman ako (ng pardon)’, pero hindi. Hindi ko kailanman hiningi ‘yun,” pagbabalik-tanaw ni Robin.

Sa Duterte administration siya nabigyan ng absolute pardon at nagpapasalamat siya sa kasalukuyang pangulo.

“Mahal na Pangulo, kayo ay bayani hindi lamang ng sambayanang Pilipino kundi sa katulad ko na humihingi ng second chance, mga katulad naming ex-convict. Naniniwala kami, mahal naming Pangulo, na ang lahat ng karapatan ng mga Pilipino ay inyong pinoproteksiyunan. Maraming salamat sa absolute pardon.

“Walang nilabag ang Pangulo ng Pilipinas dito. At katulad ng sinabi niya, meron pang susunod na mga mabibigyan din ng pardon. At ano ba ang gusto natin? Hindi na bigyan ng pagkakataon pa ang mga ex-convict? Ano ba talaga? Saan ba tayo lalagay? ‘Pagka hinuhuli ang mga kriminal, sasabihin natin extra-judicial killing. Kapag binigyan naman ng karapatan, ng pag-asa ang mga katulad namin na ex-convict na nagkamali, meron pa ring problema. Eh, saan ba tayo, sala sa init sala sa lamig?” kunot-noong pahayag pa ni Robin.

May mensahe rin siya sa lahat ng mga nakakaintindi at sumusuporta sa kanya:

“Sa lahat ng mga bumasag isip, mas marami ‘yung mga kababayan natin na nakakaintindi sa gulong ng buhay. Ito ‘yung buhay na continuous ang tinatawag natin na pakikibaka. Nagpapasalamat ako sa inyo at kasama ko kayo sa journey ng bad boy na ‘kinulong at ngayon ay isa ng bagong ama at nagpupumilit pong magpakabait ay nabibigyan n’yo ng pagkakataon at pahina sa inyong mga puso.” (ADOR SALUTA)