Limang lalaki na pawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga ang tumimbuwang habang lima pa ang inaresto sa buy-bust operation sa magkakahiwalay na lugar sa Maynila, iniulat kahapon.

Kinilala ang mga nasawi na sina alyas “Jeffrey”, nasa edad 20-25; Jalid Dimiano, alyas “Jalid Muslim”, 31, ng Golden Mosque, Sta. Cruz, Maynila; alyas “Muklo Salic”, 20-25; alyas “Hussein”, 20-25; at Albigar Garzola, alyas “Nonoy Alba”, 28, ng 1242 Sto. Niño Street, Tondo.

Habang arestado naman sina Anthony Roque, 36; Raymond Remorosa, 23, laborer; Jerry Montezon, 35, pedicab driver; at Leoncio Bacarisas, 50, pawang residente ng Tondo, Maynila; at si Jocelyn Abiscia, 42, ng 1854 Interior Dapo St., Pandacan, Maynila at sinasabing No. 2 most wanted drug personality ng Manila Police District (MPD)-Station 10.

Si Garzola ay napuruhan ng mga tauhan ng SAID-SOTU ng MPD-Station 1 (Raxabago), dakong 10:40 ng gabi kamakalawa, sa Lacson St., kanto ng Pacheco St., Tondo; sina Jeffrey at Dimiano ay napatay dakong 10:50 ng gabi kamakalawa sa McArthur Bridge sa Sta. Cruz; habang sina Muklo Salic at Hussein ay napatay dakong 1:40 ng madaling araw kahapon sa Rizal Avenue, corner Remigio St., Sta. Cruz.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Pawang nanlaban ang mga suspek sa operasyon kaya napatay ang mga ito.

Nakumpiska ng mga awtoridad mula kay Garzola ang isang kalibre .38 revolver, P500 marked money at limang plastic sachet ng shabu; sina Jeffrey at Dimiano ay nakuhanan naman ng dalawang .38 caliber revolver, P1,000 buy-bust money at shabu na nagkakahalaga ng P10,000; habang sina Muklo Salic at Hussein ay nakumpiskahan ng dalawang .38 kalibre revolver, P500 marked money, isang Yamaha motorcycle, at pitong plastic sachet ng shabu.

Samantala, dakong 7:30 ng gabi sinalakay ng SAID-SOTU ng MPD-Station 1 ang bahay nina Roque at Remorosa na naging sanhi ng kanilang pagkakaaresto, gayundin sina Montezon at Bacarisas.

Si Abiscia ay dinakip dakong 1:30 ng madaling araw kamakalawa sa buy-bust operation sa Dapo St., Pandacan, Maynila at nakumpiskahan ng apat na plastic sachet ng shabu at P500 buy-bust money.

Ang mga naarestong suspek ay pawang nakadetine sa MPD at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Mary Ann Santiago)