peping-copy

Cojuangco, ipinababalik sa COA ang P27 M ‘unliquidated’ ng Philsoc.

Ipinag-utos ng Commission on Audit (COA) kay Philippine Olympic Committee (POC) president Jose ‘Peping’ Cojuangco at tatlo pang opisyal ang pagbabayad ng P27.2 milyon sa Philippine Sports Commission (PSC) matapos mabigo ang dating Tarlac Congressman na ma-liquidate ang naturang halaga sa kabila ng mahabang panahong ibinigay ng pamahalaan.

Batay sa Notice of Finality of Decision (NFD) na may petsang Agosto 4, 2016 at may lagda ni Marieflor Tubana, audit team leader ng COA, ang naturang halaga na bahagi ng financial assistance ng Philippine Sports Commission (PSC) sa Philippine SEA Games Organizing Committee (PHILSOC) ay nabigong maipaliwanag kung saan nagamit at walang dokumento na nagpapatunay na nagamit ito ng tama.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

“Pleased be informed that the above ND/NC has become final and executor, there being no appeal filed within the reglementary period,” pahayag sa NFD letter ni Tubana.

‘Accordingly, the above named persons liable shall pay the above amount immediately to the agency cashier. Failure to pay the same shall authorize the agency cashier to withhold payment of salary and other monthly due to persons liable in accordance with COA Order of Execution to be issued to the agency cashier,” aniya.

Bukod kay Cojuangco, na tumayong chairman ng Philsoc nang mag-host ang bansa ng SEA Games noong 2005, kabilang din sa pinagbabayad sina Stephen Hontiveros (secretary-general, Philsoc); Jose Capistrano, Jr. (deputy secretary general.

Philsoc) at Ernesto Ortiz Luis, treasurer ng Philsoc.

Tinangka ng Balita na kunan ng pahayag ang mga nasabing opisyal, ngunit nabigo silang makausap.

Sinabi naman ni PSC chairman William ‘Butch’ Ramirez na ang naturang halaga ay bahagi lamang sa kabuuang P129 milyon na pondo na nakuha ng POC sa pamahalaan, ngunit walang sapat na ‘liquidation report’.

“We are not here to witch hunt. ‘Yan po ay report ng COA at sila po ang naghahabol diyan. Kami naman ay pinag-aaralan ang iba pang dokumento kung nararapat na magsampa ng kaso sa mga opisyal ng POC para sa ‘unliquidated funds’, pahayag ni Ramirez.

Sa report ng COA, mula 2010 hanggang 2016, nakakuha ang POC ng kabuuang P129 milyon bilang ‘financial assistance’ mula sa PSC na pinamumunuan noon ni Richie Garcia, kilalang malapit na kaibigan ni Cojuangco.

Iginiit ni PSC commissioner Ramon Fernandez na ‘ilegal’ ang pagbibigay ng budget sa POC dahil bilang pribadong sports body, walang karapatan ang Olympic body sa tulong pinansiyal ng PSC.

“Klaro sa batas na ang financial assistance ay dapat sa atleta lamang at sa kinaaaniban nilang national sports associations (NSA). Ang POC walang karapatang bigyan ng financial assistance,” sambit ni Fernandez.

Sinabi ni Ramirez, na pinag-aaralan na ng legal team ang posibilidad na ‘abuse of power’ sa dating pamunuan ng PSC sa pangunguna ni Garcia.

‘This is people’s money. Galing ito sa tax ng mga mamamayan, kaya dapat naming pangalagaan ang pondo ng PSC,” sambit ni Ramirez.