DAVAO CITY – Nangako ang gobyerno ng New Zealand na magdo-donate ng US$3million (P148 milyon) sa susunod na tatlong taon bilang suporta sa pagsisikap na pangkapayapaan sa magugulong lugar sa Mindanao.
Sa isang press conference nitong Miyerkules ng gabi rito, sinabi ni New Zealand Ambassador to the Philippines David Strachan, na nais ng New Zealand na makatulong sa pagresolba sa kahirapan upang maayudahan ang mga pamilyang apektado ng mga labanan, gayundin ay magkaroon ng maayos na pagkakakitaan ang mga mandirigma na inaasahang magbabagong-buhay sa ilalim ng bagong administrasyon.
“I think, with the peace process taking shape now, it seems a good time to do what we can to support the government’s initiatives since that Mindanao generally is gonna get a lot more attention from government here and it’s a good time to step up and be even stronger partner in development process because we genuinely committed to addressing poverty levels and helping stabilize the region,” ani Strachan.
Sinabi ni Stratchan na nakikibahagi ang New Zealand sa proyekto ng Food and Agriculture Organization (FAO) sa North Cotabato na sumusuporta sa pagkakaloob ng trabaho sa mga dating mandirigma.
Aniya, target ng proyekto na matulungan ang 10,000 pamilya o 52,000 katao sa 15 barangay sa limang munisipalidad sa North Catabato.
May kapareho ring programa na ipinatutupad sa Maguindanao na nagkakaloob ng ayuda sa nasa 20,000 pamilya, ayon kay Strachan.
Bukod dito, sinabi pa ng ambassador na tumutulong din ang New Zealand sa dairy farm project ng National Dairy Authority (NDA) sa Cagayan de Oro City, at magbibigay sila ng mga baka at magbabahagi ng teknolohiya ng New Zealand sa dairy farming. (Antonio L. Colina IV)