MATAPOS ibahagi sa fans ang kanyang platinum-selling self-titled debut album, nagbabalik sa recording si Enchong Dee sa pamamagitan ng kanyang pangalawang album na pinamagatang EDM (Enchong Dee Moves) sa ilalim ng Star Music.

Ayon kay Enchong, ito ang proyektong pinakamalapit sa kanyang puso lalo pa’t regalo niya ito sa kanyang fans sa ikasampung taon niya sa showbiz. Magsisilbi ring hudyat ang naturang album sa pagsabak niya sa electronic dance music.

“Gusto kong magbahagi ng parte ng sarili ko sa audience ko na p’wede nilang iuwi o makasama sa daan habang nagda-drive. Regalo rin ito sa fans ko para sa suporta nila sa nakaraang dekada. Sobrang personal ng album na ito kumpara sa iba kong projects,” ani Enchong.

Laman ng album ang sampung tracks, kabilang na ang carrier singles na Telenobela at ’Di Ko Alam, at ang Hopia na personal na komposisyon niya.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

“Ang ’Hopia, inspired siya ng friend ko habang nagda-drive kami. Natapos ko siyang isulat in 30 minutes. Ang daming taong baliw sa pag-ibig, at para ‘to sa kanila na naghahangad ng tapat na samahan kasama ang taong gusto nila,” paliwanag niya.

Karamihan sa mga awitin sa album ay love songs, gaya ng upbeat na Oo Gusto Kita, Crush, Sa Huli, at ang nagsusumamong Hanggang Dito Na Lang.

Hinahamon din ni Enchong ang kanyang mga tagapakinig na kumilos at magbanat ng buto sa kantang Tara Pagpawisan.

Kabilang din sa track list ang Crush (Theo Remix) tampok ang pagra-rap ng Hashtags member at PBB 737 Teen Big Winner na si Jimboy Martin, pati na ang Hopia (Theo Remix) tampok naman si Bebe Riz BFe Wbh.

Ang album, prodyus ni Rox Santos, ay mapapakinggan na Spotify at mabibili na rin nationwide soon sa halagang P199. Ang digital tracks naman ay maaaring i-download sa online music stores gaya ng ABS-CBN Store, iTunes, Mymusicstore.com.ph, Amazon.com, OneMusic.ph, at Starmusic.ph.