Pinagtibay ng Supreme Court (SC) ang suspension order na ipinataw ng Sandiganbayan Fifth Division laban kay Senator JV Ejercito.
Ang 90-araw na suspensiyon laban kay Ejercito ay nag-ugat sa kinakaharap niyang kasong graft kaugnay ng umano’y maanomalyang pagbili ng high-powered firearms noong 2008, nang siya pa ang alkalde ng San Juan City.
Ang pondo na ginamit sa pagbili ng mga rifle ay galing umano sa calamity fund ng lungsod.
Kabilang din sa pinatawan ng suspension order at saklaw ng resolusyon ng SC sina Ranulfo Dacalos at Romualdo Delos Santos, mga kapwa akusado ni Ejercito.
Ayon sa resolusyon ng SC First Division, bigo ang mga petitioner na patunayang may grave abuse of discretion o pagmamalabis sa panig ng Sandiganbayan.
Malinaw umanong nakasaad sa Section 13 ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act na obligadong suspendihin ang sinumang nakaupong opisyal na kinasuhan ng graft sa korte, kaya tuluyang ibinasura ng kataas-taasang hukuman ang hirit na temporary restraining order ng mga petitioner. (Beth Camia)