nash-sue-at-genesis-copy

ITATAMPOK sa Maalaala Mo Kaya si Genesis Aala, ang young Filipina artist na unang nailathala sa Manila Bulletin online (WWW.MB.COM.PH) at naging viral dahil sa madamdaming kuwento ng pagbebenta sa kanyang sketches at paintings upang may maipangtustos sa pagpapagamot sa kanyang inang may malubhang karamdaman.

Gagampanan ni Sue Ramirez si Genesis, ang panganay sa magkakapatid na simula pagkabata ay nasaksikan ang wagas na pagmamahalan ng kanyang ama’t ina at ng kanilang buong pamilya. Bunga nito, ginagawa niya ang lahat upang laging makapiling ang mga kapatid, lalo na si Jewesis na may epilepsy.

Iniidolo ni Genesis ang kanyang amang si Francisco, na himnimok siya para sumunod sa mga yapak nito sa skectching art. Nagsimula siyang gumuhit sa mga dingding ng kanilang bahay, at sa patnubay ng ama ay naging mahusay at bihasa sa sketching.

BALITAnaw

ALAMIN: Mga dapat mong malaman tungkol kay Jose Rizal

Pero hindi sining ang paningin ng kanyang inang si Emma sa kanyang mga obra. Sa hangarin na mas pag-ukulan ng asawa ng pansin, panahon at pag-aalaga si Jewesis, itinuturing nitong walang kuwenta at kalat lang sa bahay ang sketches ni Genesis.

Dinaramdam ito ni Genesis, lalo na kapag nakikita niyang mas maunawain ang kanyang ina kay Jewesis. Lahat ng kanyang mga sama ng loob, hinanakit, at maging kaligayahan sa buhay ay isinasalin niya sa kanyang pagdodrowing. Ito na ang naging buhay niya, kaya labis-labis ang kanyang pagpapahalaga sa bawat obra niya.

Kumuha siya ng Engineering sa kolehiyo, nang panahon ding na-diagnose ang kanyang ina na may myoma. At sinabayan pa ng pagkamatay ni Jewesis dahil sa sakit nito. Nagdalamhati siya na ang pagpipinta ang kanyang naging saklay at sandalan.

Habang nag-aaral ay nagtrabaho si Genesis upang makaipon ng pampagamot sa kanyang ina. Pero hindi sapat ang kanyang kinikita, kaya bilang panghuling hakbang ay ibinenta niya ang kanyang mga drowing para sa pinakamamahal na ina.

Napakasakit sa loob niya na mapunta sa pagmamay-ari ng iba ang kanyang mga obra na sadyang bahagi na ng kanyang buhay, pero napagtanto ni Genesis na mas mahalaga sa mga ito ang buhay ng pinakamamahal na ina.

Ang kanyang pagpipinta na hindi gusto ng kanyang ina noon pa man ang siya pang nakatulong upang maibsan ang karamdaman ng ina at makapiling pa ito nang matagal.

Mamayang gabi na eere ang kuwento ni Genesis, makakasama ni Sue sina Mutya Orquia bilang young Genesis, Nash Aguas bilang Jewesis, Josh de Guzman bilang young Jewesis at sina Sharmaine Arnaiz at Michael Flores naman ang gaganap na magulang nila. (DINDO M. BALARES)