Nalampasan ni Danilo Fresnido ang sariling record at napagwagihang medalya sa nakaliapas na kampanya nang makamit ang gintong medalya sa pagsisimula ng 22nd World Masters Athletics Championships na ginaganap sa Western Australia Athletics Stadium sa Perth, Australia.

Dinomina ng kasalukuyang miyembro ng national coaching staff at Philippine record holder na si Fresnido ang men’s 40-44 javelin throw event upang pasimulan ang kampanya ng lima kataong national masters athletics team sa prestihiyosong torneo na magtatapos sa Nobyembre 7.

Inihagis ni Fresnido ang spear sa layong 62.30 metro upang talunin ang pito pang kalahok mula sa iba’t ibang bansa.

Tinalo ni Fresnido, huling nakapag-uwi ng pilak sa huli nitong paglahok sa torneo, sina Harri Leivonen ng Finland na may 54.92 metrong itinala at si Ved Prakash Singh ng India na nagkasya sa tanso sa 52.38-m.

Muntik mag-suntukan! Beermen vs Taoyuan, nagkainitan sa PBA-EASL

Naiangat ng 44-anyos at dating Southeast Asian Games gold medalist na si Fresnido ang pilak sa nakalipas na 2015 edisyon ng torneo na ginanap naman sa Lyon, France.

Apat na iba pang tracksters ang pilit na susundan ang tagumpay ni Fresnida para sa delegasyon ng bansa na sina - javelin thrower Erlinda Lavandia, pole vaulter Emerson Obiena, marathoner Lorna Vejano, at three-time Olympian long jumper Marestella Torres-Sunang, unang sabak sa world masters.

Habang isinusulat ito, nakatakdang sumabak si Obiena habang si Lavandia, gold medalist noong 2013 edisyon ay babato sa Nobyembre 2. Lulundag si Torres sa Nobyembre 5 at tatakbo si Vejano sa Nobyembre 6. (Angie Oredo)