Mga Laro Bukas
(Philsports Arena)
12:30 n.h. -- Supra vs Air Force (Spikers)
4 n.h. -- BaliPure vs Coast Guard (V-League)
6 n.g. -- UST vs Pocari (V-League)
Inaasahang paghahadaan kapwa ng regning Open Conference champion Pocari Sweat at semifinalist University of Santo Tomas ang nakatakdang pagtutuos sa pagbabalik aksiyon ng Shakey’s V League Reinforced Conference bukas sa Philsports Arena sa Pasig.
Nakataya sa nasabing laro ganap na 6:00 ng gabi ang top spot ng semifinals bukod sa momentum na kinakailangan nila pagsabak sa susunod na round ng season ending conference.
Matapos mabigo sa unang laban kontra Air Force, nagtala ang Lady Warriors ng limang sunod na panalo kung saan isang set lamang ang kanilang ikinatalo upang maluklok sa liderato taglay ang barahang 5-1.
Senyales na nagpi-peak sa tamang panahon ang Lady Warriors at nagkakaroon ng magandang blending ang kanilang mga locals na pinangungunahan nina Michelle Gumabao, Myla Pablo, Elaine Kasilag at setter Iris Tolenada, gayundin kina import Breanna Lee Mackie at Kay Kacsits.
Hindi naman nagpahuli ang Tigresses sa kabila ng all-Pinoy line -up para mahila ang karta sa 4-1.
Muli, sasandigan ni coach Kungfu Reyes upang ipagpatuloy ang impresibong performance ng Tigresses papasok sa finals sina EJ Laure, Marivic Meneses, Carla Sandoval, Pam Lastimosa, Chlodia Cortez at crowd darling na si Cherry Rondina.
Samantala, haharapin ng BaliPure, nabigo sa iskor na 16-25, 25-12, 21-25, 19-25 sa Pocari noong nakaraang Sabado ay inaasahang babawi sa kanilang pakikipagtipan sa winless na Coast Guard sa unang laro ganap na 4:00 ng hapon upang makapantay sa Customs sa barahang 5-2. (Marivic Awitan)