“Multo” ang idinahilan ng isang 36-anyos na lalaking lasing sa walang habas na pagpapaputok niya ng baril sa bus terminal sa Pasay City, nitong Sabado ng gabi.

Kasong alarm and scandal at damage to property ang kinakaharap ngayon ng naarestong si Rodel Jamison, umano’y bodyguard ng hindi nabanggit na personalidad, at residente ng Taguig City.

Sa ulat ng Pasay City Police, dakong 8:30 ng gabi nang nangyari ang insidente sa bus terminal sa Tramo.

Batay sa salaysay ng mga saksi, bigla na lang naglabas ng .45 caliber pistol ang suspek at nagpaputok ng limang beses.

Cardinal Tagle, nagpasalamat sa mga nagtiwala sa kanila sa Conclave

Nagtamo naman ng isang tama ng bala ang Toyota Vios ni Perlita Sevilla, na umano’y unang tinutukan ng baril ng suspek.

Maagap na rumesponde ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 7 at Regional Public Safety Battalion at hinabol ang suspek na nagtangkang tumakas hanggang masakote sa EDSA.

Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente.

Sa himpilan ng pulisya, inamin ng suspek na lasing siya nang magpaputok ng baril at sinabing nakakita siya ng multo sa lugar kaya namaril siya sa matinding pagkabigla at takot. (Bella Gamotea)