URBIZTONDO, Pangasinan - Nangangapa ang mga operatiba ng Pangasinan Provincial Police Office (PPO) sa kinaroroonan ni Ronnie P. Dayan, na bigong matagpuan sa paghahalughog ng mga pulis sa kanyang bahay nitong Martes sa Barangay Galarin, Urbiztondo.

Si Dayan ang dating driver at umano’y “lover” ni Senator Leila de Lima na iniuugnay ni Pangulong Duterte sa kalakalan ng ilegal na droga sa bansa.

Batay sa natanggap na impormasyon, sa bisa ng search warrant mula kay Judge Hermogenes, ng San Carlos City Regional Trial Court, Branch 56, ay isinagawa ang police operation.

Sinabi ni Pangasinan PPO Director Senior Supt. Ronald Lee na ikinasa ang operasyon, katuwang ang Special Weapons and Tactics (SWAT) at Urbiztondo Police upang dakpin si Dayan dahil nakatanggap umano sila ng impormasyon na nasa kanyang bahay ang huli.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Dakong 5:50 ng umaga nitong Martes nang pinalibutan ng awtoridad ang bahay ni Dayan ngunit nabigo ang mga itong matagpuan si Dayan dahil wala roon ang dating driver ni De Lima.

Simula nang idawit bilang umano’y bagman ni De Lima sa kita ng droga sa National Bilibid Prisons ay nagtago na si Dayan, at hindi rin sumipot sa imbitasyon ng mga pagdinig ng Kamara sa usapin.

Una nang nakiusap ang mga kaanak ni Dayang na sumuko na sila upang linisin ang kanyang pangalan sa usapin.

(Liezle Basa Iñigo)