Isang lalaki ang nagbalik-bayan upang makakuha ng karagdagang detalye sa pagkamatay ng kanyang kapatid ay binaril ng riding-in-tandem sa Makati City kahapon.
Kinilala ni Sr. Supt. Rommil Mitra, hepe ng Makati City Police, ang biktima na si Petronio Rosales Jr., nasa hustong edad, na agad ikinamatay ang tinamong tama ng bala sa dibdib at ulo.
Sa isang ulat, isiniwalat ni Mitra na dakong 12:20 ng madaling araw, si Rosales at kanyang kaibigan, tumangging pangalanan ng mga pulis, ay naghihintay ng kanilang Grab taxi service. Sila ay galing sa isang KTV bar sa Yakal Street, Barangay San Antonio bilang despedida party ni Rosales para sa kanyang mga kaibigan.
Maya-maya pa’y sumulpot na lamang ang mga suspek, kapwa nakasuot ng jacket, helmet at face mask, at huminto sa harapan nilang dalawa at malapitang binaril si Rosales ng nakaangkas na suspek.
Halos hindi makapaniwala sa nangyari, humingi ng tulong ang kaibigan ni Rosales matapos mabilis na tumakas ang mga suspek.
Natagpuan sa lugar ng pinangyarihan ang dalawang basyo ng .45 kalibre na baril.
Ayon kay Resty Cajes, chairman sa Barangay San Antonio, bumalik ng Pilipinas si Rosales dalawang buwan na ang nakalilipas upang makakuha ng karagdagang detalye sa pagkamatay ng kanyang kapatid, si Loren, noong Hulyo.
Iniulat na si Loren ay binaril at pinatay ng riding-in-tandem habang siya ay nakasakay sa isang jeep sa pagitan ng Reposo at J.P. Rizal St., Makati City.
Nagsasagawa na ng follow up investigation kung may kinalaman ang pagkamatay ni Rosales sa pagkamatay ng kanyang kapatid. (Martin A. Sadongdong)