Isang pedicab driver ang masuwerteng nanalo sa karera ngunit minalas namang mapatay ng riding-in-tandem sa Sta. Mesa, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Hindi na umabot nang buhay sa Our Lady of Lourdes Hospital si David Ivan Capili, 39, ng 4929 Int. 6 Valenzuela 2 Extension, V. Mapa, Sta. Mesa, Maynila sanhi ng tama ng bala sa katawan.
Sa pagsisiyasat ni PO3 Marlon San Pedro, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), sa harapan ng bahay ng biktima nangyari ang pamamaril, dakong 6:45 ng gabi.
Nabatid na papasok pa lamang ng gate ang biktima, matapos manalo sa karera, nang barilin ng mga suspek.
Dati umanong gumagamit ng ilegal na droga ang biktima at sumuko sa “Oplan Tokhang” sa kanilang barangay.
(Mary Ann Santiago)