PUMAPALYA ang sensory systems ng mga isda, at sa climate change ito sinisisi ng isang bagong pag-aaral.
Habang umiinit ang panahon, dumadami ang carbon dioxide sa karagatan. Ayon sa mga siyentista ng University of Exeter sa England, ang pagdami ng carbon dioxide sa dagat ang nagbabawas sa kakayahan ng isda na makaamoy, makakita at makarinig, iniulat ng United Press International.
Sa simpleng paliwanag, pumapalya na ang kakayahan ng karamihan sa mga isda na makaiwas sa kapahamakan—na nagbubunsod ng pagkaunti ng kanilang populasyon. Dahil hindi na kontrolado ang sensory systems, hindi na inaalintana ng ilang isda ang mga senyales ng panganib at ang iba ay direkta nang lumalangoy palapit sa malalaking isda na kakain sa kanila, sa halip na lumayo sa mga ito.
Naniniwala ang mga mananaliksik na dahil sa carbon dioxide, napapatigil ang pagpoproseso ng utak ng isda sa mahahalagang sensory signals, ayon sa ulat ng United Press International. Hindi naman malinaw kung paano nangyayari ito. Ang malinaw lamang ay palubha nang palubha ang problema.
Ang antas ng carbon dioxide sa karagatan ay inaasahang aabot sa 2.5 porsiyento hanggang sa pagtatapos ng siglo. Upang mapaghandaan ito, inirekomenda ng mga awtor ng bagong pag-aaral — na inilathala sa journal na Global Change Biology — sa mga marine biologist na pagtuunan ng pansin ang mga isdang pinararami ng tao, na karamihan ay nabubuhay sa mga water tank na ang antas ng carbon dioxide ay 10 beses na mas mataas kaysa dagat.
“Aquaculture may provide an ‘accidental’ long-term experiment that can help climate-change predictions,” paliwanag ni Robert Ellis, isang marine biologist na nakatutok sa mga epekto ng climate change, sa isang pahayag. “There is the enticing possibility that fish and shellfish previously grown in high CO2 aquaculture conditions over multiple generations can offer valuable insights regarding the potential for aquatic animals in the wild to adapt to the predicted further increases in CO2.”
Sa mga water tank, walang kinatatakutang mas malaking isda na maaaring kumain sa kanila ang mga pinararaming isda, at sapat at tuluy-tuloy ang supply ng kanilang pagkain. Ngunit natukoy sa mga pananaliksik na ang mga pagbabago sa carbon dioxide ay maaari ring makaapekto sa kanila. Ang sobrang daming carbon dioxide ay makapipigil sa pagtunaw ng pagkain ng pinakakaraniwang uri ng isda, samantalang ang kakaunting pagdadagdag sa carbon dioxide ay nagpapabilis sa paglaki ng mga isdang ito—na isang napakagandang balita para sa mga nagpaparami ng isda.
“Our research will allow fish farmers to optimize conditions, and specifically CO2 levels, to improve growth and health of their fish, profitability and the long-term sustainability of the industry,” sinabi ni Rod Wilson, isa sa mga awtor ng pag-aaral, sa United Press International. “This is really important given that aquaculture is the only way we will increase seafood production to feed the growing human population, particularly given wild fish stocks are over-exploited.”