Malaki ang mawawala kay WBO No. 1 super lightweight contender Jason Pagara ng Pilipinas kapag natalo sa nakatakda niyang laban kay dating WBA lightweight champion Jose Alfaro ng Nicaragua sa Nobyembre 26 sa Cebu Coliseum sa Cebu City.
Magsisilbing main undercard ang sagupaang Pagara-Alfaro sa tampok na salpukan nina Milan Melindo ng Pilipinas at Fahlan Sakkreerin Jr. ng Thailand para sa interim IBF junior flyweight belt sa ‘Pinoy Pride 29’ card ng ALA Promotions.
Bagamat natalo sa kanyang huling laban, hindi maikakaila na isang knockout artist si Alfaro na may 24 na napatigil sa 28 panalo, 10 talo at 1 tabla sa kanyang rekord.
Naging WBA lightweight titlist si Alfaro nang talunin sa 12-round split decision noong Disyembre 29, 2007 si Prawet Singwancha ng Thailand sa Westfalen, Germany.
Sa kanyang huling world title bout noong Oktubre 24, 2014, tinalo siya ni IBF super lightweight champion Eduard Troyanovsky ng Russia via 5th round TKO sa sagupaan sa Moscow City.
Matagal nang top ranked challenger ni WBO super lightweight champion Terence Crawford si Pagara at nakalista rin siyang No. 13 contender ni Troyanovsky sa IBF taglay ang kartadang 39-2-0 (win-loss-draw) na may 24 panalo sa knockouts.
Sa kanyang huling laban, tinalo niya sina Mexicans Mario Meraz (TKO 4), Cesar Chavez (TKO 2), Ramiro Alcaraz (TD 8), Miguel Zamudio (UD 10) at Abraham Alvarez (KO 3) gayundin si Nicaraguan Santos Benavidez (KO 2). (Gilbert Espeña)