NAGING madamdamin sa akin ang nakaraang ilang linggo.

Una, ang pagpanaw ng isang mabuting kaibigan, si Sen. Miriam Defensor-Santiago, noong Setyembre 29.

Pangalawa, noong Oktubre 5 ay ginunita natin ang unang anibersaryo ng kamatayan ng isa pang malapit na kaibigan, si Senador Joker P. Arroyo. Hindi ko mapaniwalaan na isang taon na ang nakaraan mula nang pumanaw si Joker. Hanggang ngayon ay nangungulila pa rin ako sa aking kaibigan.

Sina Miriam at Joker dalawa sa pinakamatalik kong kaibigan, hindi lamang sa pulitika kundi sa aking buhay. Sila ang dalawang miyembro ng Senado na nagbigay sa akin ng pagmamalaki na naging bahagi ako ng kagalang-galang na kapulungan.

Silang dalawa, kasama ang isa pang magiting na mambabatas, si Sen. Nene Pimentel, Jr., ang nanindigan sa aking tabi laban sa isyu ng C5 na ang nasa likod ay pulitika. Totoo ang sinasabi na ang mga tunay na kaibigan ay karamay sa hirap, at nakikigalak kapag nalagpasan ang hirap.

Ang totoo, nagsimula kami na Joker bilang mahigpit na magkaaway, ngunit nagtapos bilang matalik na magkaibigan.

Pinaglabanan namin ang pagiging speaker ng Mababang Kapulungan noong 1998, kung saan ako ang nagwagi. Hindi ko inasahan na sa pagtatapos ng aking termino at sa makasaysayang bahagi ng aking buhay sa pulitika ay magkakaroon ako ng isang dakilang kaibigan sa katauhan ni Joker.

Noong impeachment ni dating Pangulong Joseph Estrada, natagpuan namin ni Joker na pareho kami ng paninindigan.

Madalas kaming magpulong upang pag-usapan ang mga estratehiya kung paano hahawakan ang nasabing usapin. Nakita ko ang kanyang katalinuhan sa pulitika.

Hindi mapapantayan ang lalim ng kaalaman ni Joker sa pulitika. Ito ang hinahanap-hanap ko hanggang ngayon. Sa mga pag-uusap namin habang nagkakape o umiinom, nakikita ko ang matalim na pagsusuri niya sa pulitika, at ang kakayahan niya na ilahad sa simpleng pananalita ang pinakamasalimuot na problema sa pulitika.

Sa kanyang panig naman, sinabi niya sa akin na nagugulat siya sa aking abilidad sa estratehiya. Ayon sa kanya, hinangaan niya ang kakayahan kong ito sa pulitika man o sa negosyo. Ang mga katangian naming ito ang nagamit naming sa mga labanan na aming sinuungan.

Nagkasama kami sa Mababang Kapulungan mula 1992 hanggang 2001, at kapwa kami tumakbo sa pagka-senador noong 2001.

Pareho kaming nagsilbi sa Senado mula 2001 hanggang 2013.

Sa Senado, itinatag namin ang Wednesday Group kasama si Senador Ralph Recto, isa pa sa aking mga kaibigan,... na nakasama ko rin sa Mababang Kapulungan at sa siyam na taon ng aking 12 taong pagsisilbi sa Senado. Kaming tatlo ang orihinal na miyembro ng Wednesday Group, na kalaunan ay nakasama rin sina Senador Francis Pangilinan at Noli de Castro.

Pumanaw man si Joker, mananatili siyang buhay sa puso ng mga tao na natulungan niyang maging mas mabuti, at isa ako sa mga iyon.

(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph) (Manny Villar)