NABAWI uli ng GMA Network ang titulo bilang nangungunang TV network sa buong bansa ayon sa survey data mula sa Nielsen TV Audience Measurement.
Nagpapatuloy ang pamamayagpag ng Kapuso Network sa lahat ng daypart, kaya tuluyan nang naungusan ang ABS-CBN sa National Urban Television Audience Measurement mula September 1 hanggang October 13 (overnight data ang October 9 hanggang 13) dahil sa naitala nitong average people audience share na 38.3 percent, kumpara sa 37.6 percent ng ABS-CBN.
Nanatili ring number one ang GMA sa Urban Luzon, na siyang kumakatawan sa 77 percent ng kabuuang manonood sa mga urban TV homes, dahil naman sa nakuha nitong 43.4 percent na mas mataas sa 32.3 percent ng ABS-CBN.
Patuloy pa ring balwarte ng GMA ang Mega Manila, napanatili ang malakas na ratings alinsunod sa naitalang 46.1 percent laban sa 28.2 percent ng ABS-CBN. Ang Mega Manila naman ay kumakatawan sa 59 percent ng lahat ng urban viewers sa bansa.
Simula Oktubre 1 hanggang 13, partikular na mas lumakas ng GMA sa weekday evening primetime sa NUTAM, umabot ang people audience share nito ng 40 percent kumpara sa 37.3 percent ng ABS-CBN.
Bukod dito, mas maraming programa ng GMA, 18 out of 30, ang napabilang sa listahan ng top programs sa Urban Luzon sa loob ng nasabing mga araw.
Nanguna sa listahan sa Urban Luzon ang Encantadia, ang siya ring number one Kapuso program sa National Urban Philippines.
Kasama ng Encantadia sa top 10 sa Urban Luzon ang Alyas Robin Hood, 24 Oras, Pepito Manaloto, Kapuso Mo, Jessica Soho, Magpakailanman, at Hay Bahay!
Pasok din sa listahan ang 24 Oras Weekend, Ismol Family, Sunday PinaSaya, Wowowin, Someone to Watch Over Me, Eat Bulaga, Imbestigador, Superstar Duets, #Like, Dear Uge, at Sa Piling ni Nanay ayon sa Nielsen data. (Nora Calderon)