Pinalawig hanggang Oktubre 19 ng Philippine Basketball Association (PBA) Commissioner’s Office ang deadline sa pagsumite ng aplikasyon para sa 2016 PBA Rookie Draft.

Ayon sa PBA, binigyan nila ng karagdagang panahon ang mga player, gayundin ang pagsasaayos ng memorandum of agreement (MOA) sa Samahang Basketbol ng Pilipinas.

Nakapaloob sa MOA ang mga panuntunan at pamantayan para sa panukalang hiwalay na draft sa Oktubre 30.

Matatandaang, ilang amateur at collegiate standout ang kasalukuyang naglalaro sa Philippine National Team Gilas Pilipinas na may kaakibat ding kontrata sa SBP.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ang plano ay idaos ang regular draft at ang espesyal na draft kung saan kabilang ang 12 Gilas cadets na ida-draft ng 12 PBA ball club.

Ngunit, inamin ni SBP president Al Panlilio na hindi pa nila nakukumpleto ang 12-man roster ng Gilas Cadet.

Kabilang sa ‘blue chips’ na inaabangan ng PBA sina Mac Belo, Kevin Ferrer, Roger Pogoy, Mike Tolomia, Russell Escoto, Ed Daquiaog at Jio Jalalon.

Wala pang kasiguruhan ang estado nina Bobby Ray Parks at Kiefer Ravena na nakikipagsapalaran sa NBA D-League.

Samantala, kabilang sa regular draft pool ang first-round potential na si dating Philippine Youth at Racal guard Raphael Banal.

Kabilang sa mga maagang nag-apply sina dating Gilas cadet Carl Bryan Cruz, Mapua big men Joseph Eriobu at Jessie Saitanan, St. Clare College standouts Raymond Jamito at Jayson Ibay, UE players Jairold Flores at Erwin Duran.

Kasama rin sina Ryan Arambulo, Rashawn McCarthy, Timothy Habelito, Cedrick Ablaza, Jaycee John Asuncion, Jericho de Guzman, Aaron Jeruta, Billy Ray Robles, Jan Niccolo Jamon, Levi Hernandez, Ryusei Koga, John Pontejos, Joeffrey Javillonar, Tristan Perez, Edzel Mag-isa, Jerald Cueto, Joshua Alolino, Reden Celda at Charley Caluya.

(Marivic Awitan)