Dinispatya ng University of Santo Tomas, sa pangunguna ni EJ Laure, ang Bali Pure, 21-25, 25-21, 25-23, 25-13, sa Shakey’s V-League Reinforced Conference nitong Sabado sa PhilSports Arena.

Ratsada si Laure sa naitarak na 23 puntos, tampok ang krusyal na depensa sa ikatlong set para makahabol ang Golden Tigresses mula sa 13-17 paghahabol tungo sa ikatlong sunod na panalo.

Unang sabak sa aksiyon ng Water Defenders sa torneo na suportado ng Accel Philippines.

Nag-ambag si Carla Sandoval ng 12 puntos, habang kumana si Marivic Meneses ng 10 puntos, tampok ang dalawa sa kabuuang apat na block sa final set.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sa kabila ng panalo, kinastigo ni coach Kung Fu Reyes ang aniya’y matamlay na service play ng Lady Tigers.

“Okay naman so far pinapakita. Yung problema lang namin service ramdam pa rin namin,” aniya.

“Alam na nila kung paano manalo, gagawin na lang is tatrabahuhin.”

Nanguna si Katherine Morell sa Water Defenders sa natipang 25 puntos, habang kumana sina Kaylee Mann at Amy Ahomiro ng tig-siyam na puntos.