IPINAKITA ni Lady Gaga na kaya niya ring magkonsiyerto sa isang club tulad ng ginagagawa niya sa arena sa pagtanghal niya ng mga awitin mula sa kanyang bagong album.
Nagkaroon ng short set ang Grammy winner sa 5 Spot bar sa Nashville noong Miyerkules ng gabi, na may maliit na crowd ng fans at guests at isinama niyang itanghal ang tatlo niyang bagong awitin mula sa kanyang nalalapit na album na Joanne.
Ipinakilala niya ang kanyang sarili bilang Lady Gaga mula sa New York City, pero tinanong ang kanyang fans “tonight if you could just call me Joanne,” na pangalan ng kanyang tiyahin, na pumanaw noong siya ay 19-anyos at siya ring middle name niya. Ilalabas ang album sa Oktubre 21. Naka-stream ng live ang kanyang pagtatanghal sa Facebook page ng kanyang tour partner na Bud Light, na may papalapit ding bar shows sa Oktubre 20 at Oktubre 27.
Binati ni Lady Gaga ang mga tao na naghihintay sa kanya sa labas ng club na nakakita sa kanya na nakasuot ng embroidered jacket at malaking sombrero na natatakpan ang kanyang mata at may dalang guitar case. Nagsimula siya sa awiting Sinner’s Prayer, kasunod ang A-Yo, at kasama ang top country songwriter na si Hillary Lindsey bilang kanyang backup vocals sa Million Reason, na magkatulong nilang sinulat.
Si Lindsey ang isa sa trio ng mga songwriter sa Nashville na sumulat ng patok na Girl Crush, na inawit ng Little Big Town.
Matapos pumirma ng mga autograph, tinugtog ni Lady Gaga ang pangalawang set para sa kanyang fans na naghintay ng ilang oras sa labas at kinanta rin ang title song ng album.
Magtatanghal si Gaga sa Super Bowl halftime show sa Pebrero sa Houston. (AP)