Opisyal nang inaresto ng pulisya kahapon ng umaga si Albuera, Leyte Mayor Ronaldo Espinosa matapos na magpalabas ang korte ng dalawang warrant of arrest laban sa alkalde.

Sinabi ni Albuera Municipal Police Chief Insp. Juvy Espinido na ipinatupad nila ang arrest warrant na inilabas ni Baybay City Regional Trial Court (RTC) Judge Carlos Arguelles laban sa alkalde at sa anak nitong si Kerwin para sa mga kasong illegal possession of firearms at pag-iingat ng ilegal na droga.

Naging madali para sa Albuera Police ang pagdakip kay Espinosa dahil halos isang buwan nang nakatuloy ang huli sa himpilan ng pulisya ng Albuera matapos siyang humiling ng police custody isang araw matapos tambangan at mapatay ang abogado niyang si Atty. Rogelio Bato sa Tacloban City.

Kasama ang kanyang asawa at mga anak, iniharap kahapon si Espinosa kay Judge Arguelles sa Baybay City, matapos ibiyahe ng isang oras mula sa Albuera.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Iniutos naman ng hukom ang pagkukulong sa alkalde sa Leyte Sub-Provincial Jail sa Baybay at hindi siya pinayagang magpiyansa dahil non-bailable ang mga kasong kinakaharap niya.

Bagamat napaulat na nagpadala na ng surrender feelers ilang oras makaraang sumuko ang alkaldeng ama noong Hulyo, hindi pa rin lumalantad si Kerwin hanggang ngayon.

Sinabi ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Criminal Investigation Detection Unit (CIDU)-Region 8 Director Supt. Marvin Marcos na sinampahan ng mga nabanggit na kaso ang mag-amang Espinosa kasunod ng raid noong Agosto 10 at 11 sa Barangay Binolho, Albuera nang makakumpiska ang awtoridad ng P88 milyon halaga ng hinihinalang shabu at iba’t ibang armas, bala, granada, mga sangkap ng pampasabog at mga uniporme ng pulis.

(FER TABOY at NESTOR ABREMATEA)