LAS VEGAS (AP) – Inakusahan ang retiradong boxing champion na si Floyd Mayweather Jr. nang hindi pagbabayad sa nakuhang alahas na nagkakahalaga ng US$1.4 milyon, ayon sa reklamo na isinampa sa Nevada state court.
Wala pang opisyal na pahayag ang kampo ni Mayweather hingil sa kasong isinampa laban sa undefeated fighter nitong Setyembre 23 sa Clark County District Court sa Las Vegas.
Hindi rin nagbigay ng kanilang pahayag sina Mayweather Promotions chief executive Leonard Ellerbe at Mark Tratos, kumakatawan kay Mayweather sa mga kasong kinaharap nito sa nakalipas na taon.
Batay sa reklamo ng Jewelers Inc. sa korte, nagbigay si Mayweather ng $1 milyon bilang unang kabayaran sa diamond necklace na binili niya noong Setyembre 25, 2015 na nagkakahalaga ng $3 milyon.
Hindi na umano nasundan ang pagbabayad sa mga alahas.
Nakalista si Mayweather, 39, sa Forbes bilang isa sa pinakamayamang atleta nitong taon. Noong 2012, sinasabing taglay ni Mayweather ang $300 milyon.
Sinasabing kumita si Mayweather ng record US$220 milyon sa kanyang unanimous decision na panalo kontra longtime nemesis Manny Pacquiao noong May 2015. Nakakolekta naman siya ng $32 milyon nang magwagi kay Andre Berto noong Setyembre 12, 2015 sa MGM Grand arena.
Tangan ni Mayweather ang career na 49-0 tampok ang 26 knockout.